P2 jeepney fare hike, inihirit

22


HUMIRIT ng P2 na umento sa pasahe sa dyip ang transport group na Pasang Masda kaninang Huwebes ng umaga.

Sinabi ni Obet Martin, presidente ng Pasang Masda, nitong Oktubre 2017 pa inihain nila ang kanilang pormal na petisyon para itaas ang kasalukuyang P8 na minimum fare.

Dahil aniya ito sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo noon at inaasahang pag-akyat pa ng excise tax sa petrolyo sa ilalim ng tax reform law.

“Kailangan din po sigurong makapagtaas kami ng P2 para naman po makatulong sa mga driver para po may paghugutan ng pambayad sa mga petroleum products natin,” ani Martin.

Diringgin pa aniya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang petisyon at maaaring abutin ng 1 o 2 buwan bago ilabas ang desisyon.

Una na ring humirit ng dagdag-pasahe ang ilang transport group gaya ng taxi at Grab dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong nakaraang Disyembre ang TRAIN na nagpapababa sa personal income tax at nagtataas sa duties sa krudo, mga sasakyan, at sugar-sweetened drinks.

Gagamitin ang malilikom na pondo para sa P8-trilyon na infrastructure program ng Duterte Administration. BOBBY TICZON





All Credit Goes There : Source link

Comments

comments