OUT OF ORDER: Train na sasagasa sa mahihirap

0
58


Problema ng bawat bagong administrasyon kung papaano popondohan ang mga nakahanay na proyekto sa susunod na anim na taon lalo pa’t kung mga big-ticket items ang mga ito gaya ng mga paliparan at daungan.

Kadalasan ay dagdag na ­buwis sa anyo ng value added­ tax (VAT) ang nakikitang solusyon­ ng mga economic managers na siyang inihahaing bill sa Kongreso para maging ganap na batas matapos pirmahan ng Pangulo­ ng bansa.

Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) ang tawag sa House Bill 5636 na naglalayong lawakan ang saklaw ng value added tax (VAT) para mapabilang ang mga produktong petrolyo at mga public utilities gaya ng kur­yente, tubig at transportasyon.

Sa kasalukuyan ay zero-excise ang kerosene at LPG na gamit sa pagluluto; diesel na siyang ginagamit ng mga pampasaherong bus at jeepney at maging mga truck na pang-­deliver ng mga gulay, isda at karne at bunker fuel.

Nakasaad sa mga probisyon ng TRAIN na magkakaroon ng excise tax na P3 per liter ang kerosene, LPG, diesel at bunker fuel sa 2018 at P6 kada litro naman pagpasok ng taong 2020. 

Bagama’t ang pangunahing layunin ng TRAIN ay makalikom ng mas malaking buwis sa mga mayayamang negos­yante, malaki ang posibilidad na hindi ito mangyari at sa halip ay mga mahihirap nating mamamayan ang papasan ng bulto ng nasabing buwis.

Hindi naman lingid sa kaalaman na ang mga pangunahing moda ng transportasyon ng mga mahihirap ay mga jeepney at bus na kapwa gumagamit ng diesel na kabilang sa bubuwisan ng P3 kada litro sa susunod na taon at P6 kada­ litro sa 2020.

Diesel din lang gamit ng mga delivery trucks na nagbabagsak ng mga gulay, isda at karne sa palengke na siya ring tinatangkilik ng mga mahihirap na Pilipino dahil mas mura ang mga bilihin dito kumpara sa mga air-conditioned supermarket at grocery.

Ibig sabihin, tataas ang pamasahe sa bus at jeepney at mga bilihin sa palengke at sa huling pagsusuri ay mahihirap na mga mamamayan ang tatamaan kahit sinasabing karamihan sa mga ito ay walang regular na trabaho at hindi nagbabayad ng buwis.

Sa Department of Finance na nanggaling ang datos na tataas ng 1.5 percentage points ang kasalukuyang inflation rate na 3.3 percent. Sa taong 2018, ang presyo ng mga pagkain ay tataas ng 1.6 porsyento samantalang ang mga pasahe sa bus at jeepney ay tataas ng 4.9 porsyento at ang singil sa kuryente ay 1.1 porsyente naman ang itataas.

Sabihin nang sa ilalim ng TRAIN ay exempted na sa pagbabayad ng buwis ang may buwanang sahod na P20,000 pababa pero sa kalaunan ay mababawasan naman ang kanilang take-home pay dahil sa mga dagdag na excise tax sa mga produktong petrolyo na ang ibig sabihin ay dagdag pasahe at dagdag presyo sa mga bilihin sa palengke.

Sabi nga nina ACT Partylist Reps. Antonio Tino at France Castro, minimum wage earners ang pangunahing tatamaan ng dagdag na buwis sa ilalim ng TRAIN at malaking ­bilang ng mga ito ang mga maliliit na manggagawa at ordinar­yong empleyado.

“Contrary to allegations of the Duterte administration, the burden of oil excise and broader VAT will not be borne by the rich. What the Lower House approved today are ­regressive taxes that will slam into the poor in the form of higher prices of basic commodities and services,” pahayag nina Tinio at Castro.

Mukha ngang may darating na malaking TRAIN na ­sasagasa sa mahihirap nating mga kababayan na magsisi­mula sa susunod na taon. Abangan…



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments