OUT OF ORDER: Showdown sa pagitan ng Court of Appeals at Lower House

0
68


Lumalalim ang alitan sa pagitan ng House of Representatives at Court of Appeals matapos manindigan si Speaker Panta­leon Alvarez na walang karapatan ang CA na pakialaman ang desisyon ng House committee on good government and public accountability na i-contempt ang anim na empleyado ng Ilocos Norte provincial government.

Ang tinawag na “Ilocos Six” ay na-contempt ng nasabing House committee at ipinag-utos ni Alvares na madetine hanggang hindi nila sinasagot ang mga tanong sa kanila ni Majo­rity Leader Rodolfo Fariñas hinggil sa umano’y maano­malyang pagbili ng mga sasakyan ng provincial government na may kabuuang halaga na P66.45 million.

Si Fariñas, bilang kinatawan ng first district ng Ilocos Norte, ang nagpatawag ng imbestigasyon hinggil sa natu­rang anomalous purchases kung saan nanggaling sa tobacco funds ang pinambili sa mga sasakyan. Si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos ang kanyang itinuturong may direktang kinalaman sa nasabing anomalya.

Nakadetine sa Lower House mula pa noong Mayo 29 sina Pedro Agcaoili na siyang chairman ng bids and awards committee at provincial planning and development officer; provincial budget officer Evangeline Tabulog; provincial treasurer Josephine Calajate; accountant Eden Battulayan, at treasury office staff Genedine Jambaro at Encarnacion Gaor.

Nakakuha ng kakampi ang “Ilocos Six” sa Court of Appeals na naglabas ng paborableng resolusyon hinggil sa ini­haing writ of habeas corpus ng mga abugado ng nakade­tineng mga empleyado ni Gov. Imee Marcos.

Pinagpapaliwanag ng CA-Fourth Division si Speaker Alvarez kung bakit hindi siya dapat i-contempt ng naturang hukuman matapos niyang hindi pansinin ang maunang utos nito na iprisinta ang “Ilocos Six” sa bisa ng habeas corpus.

Pero nanindigan si Alvarez na walang karapatan ang CA na panghimasukan ang mga patakaran at desisyon ng mababang kapulungan dahil hindi maituturing naco-equal branch ng Kongreso ang Court of Appeals.

“They are not even our co-equal branch… They are merely a creation of Congress—that Court of Appeals. They only exist because they were created by Congress. Any time, we can dissolve them. So they better start thin­king,” ang matapang na pahayag ni Alvarez.

Nagpaplano rin si Alvarez na maghain ng disbarment case laban sa tatlong mahistrado ng CA dahil sa pagkatig nito sa habeas corpus petition ng “Ilocos Six” at ang re­solusyon nitong nagpapahintulot na makapagpiyansa ang anim. Ang tatlong miyembro ng CA-Special Fourth Division ay sina Stephen Cruz, Edwin Sorongon at Nina Antonino-Valenzuela.

Partikular na pinag-iinitan ni Alvarez si CA Associate Justice Nina Antonino-Valenzuela na sinasabing may koneksyon sa abugado ng “Ilocos Six” na si Atty. Estelito Mendoza kung kaya dapat nag-inhibit sa kaso ang mahistrado.

Itinuturing na ikalawang pinakamataas na hukuman ang CA bagama’t nilikha lang ito ng Commonwealth Act No. 3 noong Disyembre 1935. Kaya nga sinasabi ni Alvarez na kahit anong oras ay puwedeng lusawin ng Kongreso ang Court of Appeals sa pamamagitan ng panibagong batas.

“For me, they have no jurisdiction over us. Who are they to dictate Congress what to do? We have rights that have been upheld by the Supreme Court a number of times. “That’s really gross ignorance of the law. That is why I will not honor their order to [allow the six] to post bail. I will claim responsibility, let’s see, because they are too much,” pahayag pa ni Alvarez.

Walang duda na magkakaroon ng krisis sa pagitan ng Lower House at Court of Appeals at ang malaking katanungan ay kung sino ang tatayong referee para ayusin ang lu­malalang alitan sa dalawang panig. Abangan…



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments