OUT OF ORDER: Re-investigation sa PDAF scam

0
64


Bago pa man ­inimbestigahan ng Senado ang iskandalo sa ­Priority Development Assistance Fund (PDAF), naging ­usap-usapan na baka mawalan ng quorum sa Senado dahil mayorya ng mga miyembro nito ay posibleng sumabit sa PDAF scam.

National Bureau of Investi­gation (NBI) ang unang nag-­imbestiga ng PDAF scam noong 2013 partikular yaong mga may kinalaman sa mga non-government organizations ng sinasabing pork barrel queen na si Janet ­Lim-Napoles.

Pero nang nagsimulang mag­labasan ang mga pangalan ng mambabatas na miyembro ng Liberal Party at malapit sa noo’y Pangulong Noynoy Aquino, si Justice Secretary Leila de Lima na ang nanguna sa imbes­tigasyon na nasentro lang sa tatlong senador na sina Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon “Bong” Revilla Jr.

Si De Lima ang may kontrol noon sa mga pangunahing ­testigo gaya ni Benhur Luy na nagsabing may listahan ito ng lahat ng transaksyon ng mga mambabatas sa PDAF scam.

Ang mga findings ni De Lima sa tatlong senador ang ­ginamit din ng Senate Blue Ribbon Committee sa ­pamumuno ni Teofisto Guingona Jr. para idiin sina Enrile, Estrada­ at ­Revilla at matiyak na hindi masasangkot ang iba pang ­senador, kongresista at mga miyembro ng gabinete na dating mga ­kongresista.

Kay Napoles na mismo nanggaling na mayorya ng mga ­senador ang naka-transaksyon niya at ang usap-usapan nga sa Senado noon ay baka si Senador Ping Lacson lang ang ­matira dahil bukod tanging siya lang ang hindi gumagamit ng kanyang taunang pork barrel na nagkakahalaga ng P200 million.

Na-karma na si De Lima dahil sa kanyang pagkakasangkot sa bentahan ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison (NBP) noong panahon ng kanyang panunungkulan bilang kalihim ng Department of Justice na may kontrol sa NBP.

Ang kinakabahan ngayon ay ang mga katulad nina dating Budget Secretary Florencio “Butch” Abad Jr. at dating ­Senate President Franklin Drilon dahil sa pagkakadawit nila sa P10 billion pork barrel scam base na rin sa pahayag ni Justice ­Secretary Vitaliano Aguirre II.

Nag-utos si Aguirre ng re-investigation sa pork ­barrel scam base na rin sa mga bagong ebidensiya na isiniwalat ni ­Napoles matapos mapawalang sala ito ng Court of ­Appeals (CA) sa ­serious illegal detention case kung saan siya ­convicted sa Makati Regional Trial Court noong panahon ng ­adminis­trasyong Aquino.

Pahayag ni Aguirre: “Nakausap ko na po actually ang ­kanyang lawyer. Ang sabi niya, in a few days, maglalabas na sila ng kaukulang habla at ifa-file ata nila iyun sa DOJ. Mga ilang personalities po, talagang prominent personalities po na ­involved sa PDAF scam ang uunahin nila. Ang mga nabanggit niyang personalities noong nakaraang administrasyon ay sina Secretary Abad, parang kasama rin si Senator Trillanes, Senator De Lima at [former] Senate President Drilon.”

Ang tanong na nga lang ay kung plunder din ang isa­sampa kina Abad, Drilon at De Lima gaya ng kasong kinakaharap ngayon nina Enrile, Estrada at Revilla. Kinukuwestiyon kasi ng kampo ni Estrada at Revilla kung bakit plunder ang ikinaso sa kanilang gayung base sa mga ebidensiya ay bribery lang dapat ang ikinaso sa kanila.

Kung bribery ang ikinaso kina Estrada at Revilla, hindi sila dapat nakulong dahil bailable offense ang naturang kaso ‘di gaya ng plunder na non-bailable kung kaya magta-tatlong taon nang nakakulong sa PNP Custodial Center sina Estrada at Revilla.

Hindi ko lang alam kung puwede ring isailalim sa ­re-investigation ang plunder case nina Estrada at Revilla at kung makita ng DOJ na graft o bribery ang dapat ikaso sa kanila ay sundin naman kaya ito ng mga prosecutor ng Office of the Ombudsman.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments