OUT OF ORDER: Palpak na seguridad sa Resorts World Manila

0
87


Nagsimula na ang imbestigasyon ng Philippine National Police-­Supervisory Office for Security­ and Investigation Agencies (PNP-­SOSIA) at makikita ang matin­ding kapalpakan ng seguridad sa ­Resorts World Manila kung kaya nangyari ang trahedya noong nakaraang ­Huwebes ng madaling-araw.

Ang naiipit ngayon ay ang NC Lanting Security Specialist Agency­ na isa sa mga security providers of Resorts World Manila. In charge ang naturang security agency sa mall ­area, parking at perimeter ­security at may 200 security personnel na ­nade-deploy sa RWM complex.

Nagsumite na ng initial report ang NC Lanting Security ­Specialist Agency kay PNP-SOSIA director Chief Supt. Jose Mario Espino at nabatid sa report na dalawang security guards ang nabigong nutralisahin ang gunman na si Jessie Javier Carlos.

Pumasok ang armadong si Carlos sa 2nd floor retail parking entrance kung saan nakaposte si Mary Grace Del Bano na nagtangka umanong harangin ang suspek pero nabigo dahil ­wala siyang dalang baril.

“She was unarmed but still tried to stop the man whose spoke language she could not immediately understand, but when he threatened her with his firearm, she realized that she could not subdue nor prevent him alone from entering. She opted then to move back and made emergency calls to all posts through her issued radio, informing them that an armed man has entered,” ani report ng NC Lanting.

Nagtangka ang roving guard na si Edwin Cinaco na hadlangan­ ang pagpasok ni Carlos pero wala rin siyang nagawa­ kundi ang impormahan ang kanyang superior sa pangyayari sa pamamagitan ng emergency telephone.

Dumeretso ang suspek na si Carlos sa casino ng RWM kung saan ito nagpapaputok bago nagsunog ng ilang mesa sa ­gaming area. Kasunod nito ay puwersahang pumasok ang ­suspek sa casino chip room kung saan siya kumuha ng nagkakahalaga ng P113 million.

Ang naging katanungan nga ng SOSIA director ay kung bakit hindi na-alert ang casino personnel ng mga security ­officers ng NC Lanting gayung malinaw ang nagbabantang panganib sa mga empleyado at guests sa casino.

Ito ang pahayag ni Espino sa ABS-CBN: “Kase sabi, na-radyo, so may 2nd guard na kinonfront siya from the entrance to the middle part. Kinonfront siya ng isa pang guwardiya. ­Sabi ng guwardiya, hindi niya rin ma-engage kase nag-panic­ na ang mga tao roon. Tapos tumawag daw siya sa emergency telephone. Ang labo. Delayed na talaga ‘yon kung hahanap pa siya ng telepono.”

Hindi rin agad nakaresponde ang in-house security personnel ng RWM kung kaya nasabi ni Gen. Espino na walang koordinasyon ang mga security personnel sa Resorts World Manila at wala ring nakatalagang “reactionary force” na nakatoka sa nakakalusot na armado gaya ng nangyari kay Carlos. 

Nais ding alamin ng PNP-SOSIA kung sino sa mga security­ personnel ang nakabarilan ng suspek na nagresulta sa pagkasugat nito at pagpapasyang magbaril sa sarili matapos niyang silaban ang kanyang katawan.

“Sabi ng COO, nakipagbarilan daw ‘yung in-house security­ pero wala sa report ng agency, so ibig sabihin hindi sila ang nakipag-engage. Ngayon question uli, paano na-engage ng in house security ‘yon, eh hindi naman accredited company guard, eh bakit sila may baril. Sabi ng management, bawal ang baril sa loob,” pagtatanong pa ni Espino.

Kahapon ay nagsalita na rin si Pangulong Rodrigo Duterte at isa sa kinukuwestiyon niya ay kung bakit hindi nagamit ang mga emergency exits noong nagsimulang magtakbuhan ang mga tao palabas ng Resorts World casino.

Maraming dapat ipaliwanag ang management ng RWM at tama lang na panagutin ang mga palpak na security personnel na naging dahilan ng pagkamatay ng 37-katao kabilang na ang empleyado ng RWM at mga casino guests. Abangan…



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments