OUT OF ORDER: Ninja cops

0
92


“Ninja cops” ang tawag sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nagre-recycle ng mga nakukumpiskang shabu sa mga drug lords para muling ibenta ang ilegal na droga para maging pera.

Nagsimula ang mga Ninja sa mga anti-narcotics unit na ang naging modus operandi ay 30 porsyento lang ng nasasamsam na droga ang dinideklara samantalang ang 70 porsyento ay ipinabebenta muli sa mga asset nilang drug dealer kundi man ginagamit na pantanim sa mga nahuhuling drug lord na walang dalang shabu.

Kilala rin ang mga Ninja sa pagkalawit o pag-kidnap sa mga drug lords na pinatutubos (ransom) sa kanilang mga pamilya kapag nalamang may malaking pera itong naitabi mula sa pagbebenta ng droga.

Sa pagkakaalam ko, sa Western Police District nagsimula ang mga sinasabing Ninja cops noong huling bahagi ng dekada 80 at nang isilang ang PNP noong 1991 ay kinopya ng regional police intelligence units (RPIU) at district police intelligence units (DPIU) ang modus ng Ninja.

Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte nakaroon ng seryosong kampanya para lansagin ang mga Ninja cops bilang bahagi ng giyera sa droga ng PNP.

Kamakailan ay naging headline na naman ang mga Ninja cops matapos madakip ng PNP-Counter-Intelligence Task Force (CITF) ang apat na miyembro ng Malabon police station na sangkot sa pagkidnap sa nobya ng isang convicted drug dealer na nakakulong sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa.

Dinakip mismo sa loob ng Northern Police District headquarters sina SPO2 Ricky Pelicano, PO2 Wilson Sanchez, PO1 Joselito Ereneo at PO1 Frances Camuaz matapos ang masusing imbestigasyon na isinagawa ng CITF.

Pitong pulis pa na sangkot sa kidnapping ang pinaghahanap ng CITF kabilang ang limang miyembro ng Drug Enforcement Unit (DEU) of the Malabon police station na sina PO3 Luis Tayo Hizon Jr.; PO3 Michael Angelo Diaz Solomon; PO2 Michael Papa Huerto; PO1 Jovito Cabutotan Roque at PO1 Ricky Alix Lamsen.

Pinaghahanap din ang dalawa pang Ninja cops na sina PO3 Bernandino C. Pacoma na miyembro ng Civil Security Group (CSG) at SPO2 Gerry dela Torre ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Base sa imbestigasyon ng CITF, hinuli ng 10 pulis ang 53 anyos na si Norma sa kanyang bahay sa Barangay Veterans Village sa Quezon City kung saan kinuha ang kanyang Starex van at sa loob ng DEU office sa Malabon police station ay kinumpiska rin ang mga alahas, cellphone at P6,000 ng biktima.

Kapalit ng kalayaan ni Norma, sinabihan siya ng mga Ninja cops na mag-produce ng P5 million. Tinawagan din ng mga Ninja ang nobyo ni Norma na alias Raymond na magbigay ng P2 million kapalit ng paglaya ni Norma.

Inutusan din ng mga Ninja cops si Norma na makipagtran­saksyon sa kanyang Chinese contact na drug dealer na magdala ng 1 kilo ng shabu sa isang hotel sa Novaliches.

Pero hindi rin pinalaya si Norma matapos makuha ang 1 kilo ng shabu at sa halip ay nanghingi ng P1 million kay Raymond na nakakulong sa NBP.

Nang hindi maibigay ang P1 million, sinampahan ng kaso si Norma at ginamit na ebidensya sa kanya ang 1 kilo ng shabu.

Sa galit ni Pangulong Duterte sa walang takot na Ninja cops, nag-anunsiyo ito ng P2 million reward money para sa makapagbibigay ng impormasyon sa ikadadakip ng pitong Ninja cops “dead or alive”.

Mukhang dapat nang maipasa ang death penalty law para masampulan ang mga Ninja cops na hanggang ngayon ay patuloy na gumagawa ng ilegal at hindi natatakot sa kampanya ni Presidente Rody laban sa mga pulis na sangkot sa ilegal na droga.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments