OUT OF ORDER: Mga bayaning sundalo ng Marawi City

0
130


Habang ginugunita ang ika-119 anibersaryo ng kasarinlan ng Pilipinas, nagluluksa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagkamatay ng 58 sundalo sa pakikipaglaban sa mga grupo ng Maute at Abu Sayyaf mula nang lusubin ng mga terorista ang Marawi City noong Mayo 23.

Pinakamalaking dagok sa AFP ang pagkamatay ng 13 Marines at pagkasugat ng 40 iba pa sa 14 na oras na pakikipaglaban sa mga tero­rista noong nakaraang Biyernes sa Barangay Lilot Madaya sa Marawi. 

Kahapon ng ika-12 ng tanghali­ ay nakiramay ang buong samba­yanan sa mga nasawing sundalo, pulis at 20 sibilyan sa ­krisis sa Marawi City sa pamamagitan ng paggunita sa kanilang kabayanihan.

Tumagal ng tatlong minuto ang parangal sa 58 bayani ng AFP at Philippine National Police kung saan inisa-isang ipinakita sa mga TV stations ang pangalan at larawan ng mga baya­ning sundalo at pulis na nagbuwis ng buhay sa Marawi City.

Kabilang sa mga binigyan ng parangal sina Marine 1st Lt. Frederick Savellano at Army Pfc. Dhan Ryan Bayot.

Si Savellano, ang commander ng 37th Marine Company of the Marine Battalion Landing Team na nakasamsam ng P79 mil­yong halaga ng salapi at mga tsekeng napaglipasan sa isang bahay sa Marawi City na ginagamit na pugad ng mga sniper ng mga terorista.

Kabilang si Savellano sa 13 miyembro ng Philippine Marines na nasawi sa 14 na oras na pakikipaglaban sa mga terorista na nagsimula noong Biyernes at tumagal hanggang Sabado.

Si Bayot ng Philippine Army ay kabilang sa unit na nakubkob ng mga terorista sa Barangay Lilod noong Mayo 24.

Siya na lang natirang buhay at sinabihan ang kanyang commanding officer na idirekta ang artillery fire sa kanyang kinalalagyan para manutralisa ang mga lumulusob na terorista.

Natagpuan ang kanyang bangkay matapos ang apat na araw.

Hanggang kahapon ay matindi pa rin ang putukan sa sentro ng Marawi City sa pagitan ng mga sundalo at mga tero­ristang grupo na kaanib ng Islamic State in Iraq and Syria (ISIS). Umaabot na rin sa 138 ang napapatay na miyembro ng Maute at Abu Sayyaf ayon sa tala ng AFP.

Kaya nga nakakalungkot na mismong sa Araw ng Kalayaan ay nagpapatuloy ang labanan sa Marawi City at hindi natupad ang unang pahayag ng AFP na mareresolba ang krisis sa lungsod sa araw na ito.

Sakaling maresolba man ang krisis sa Marawi ay mas ­mahirap na landas ng rehabilitasyon ang tatahakin ng pamahalaan na naglaan na ng P10 bilyon para sa muling pagtayo ng mga residente ng Marawi. 

Sana nga at mas maagang dumating ang araw ng kalayaan para sa mga mamamayan ng Marawi City at sa gayon ay hindi masayang ang kabayanihan ng mga nasawing sundalo at mga masasawi pa sa patuloy na labanan.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments