OUT OF ORDER: May sindikato kaya sa pagkapanalo ni Horn laban kay Manny Pacquiao?

0
66


Walang planong magprotesta si Pambansang Kamao Manny Pacquiao sa kanyang kontrobersyal na pagkatalo sa 29-anyos na Austral­yanong boksingero na si Jeff Horn.

Alam ni Pacquiao na walang nangyayari sa mga protesta sa boxing kahit pa makita ng mga judges sa review ng video na siya dapat ang nanalo sa World Boxing Organization (WBO) welterweight match sa Suncorp Stadium sa Brisbane, Australia.

Kaya nga nang tanungin si Pacquiao ng media kung ano ang masasabi niya sa kanyang naging pagkatalo kay Horn sa pamamagitan ng unanimous decision ng mga judges, ang kanyang naging tugon ay nirerespeto niya ang naging desisyon ng tatlong hurado sabay hirit na handa siyang magkaroon ng rematch laban kay Horn.

Nasa isip siguro ni Pacquiao ang unang pagkatalo niya sa Amerikanong boksingero na si Timothy Bradley noong Hunyo 9, 2012 kung saan nagkaroon ng split decision ang mga judges na pumabor kay Bradley bilang bagong WBO welterweight champion of the world.

Umani noon ng batikos ang WBO dahil sa kuwestiyonableng scoring ng mga hurado kung kaya napilitan ang boxing organization na magbuo ng five-judge panel na nag-review ng video at ang limang hurado ay ibinigay ang laban kay Pacquiao.

Pero dahil may patakaran ang WBO na hindi puwedeng baligtarin ang desisyon ng mga judges sa isang international boxing match, ang ginawa na lang ng WBO ay magdaos ng rematch noong Abril 12, 2014 sa pagitan nina Pacquiao at Bradley kung saan nanalo si Pacquiao hanggang sa ikatlo at huling nilang pagtutuos noong April 9, 2016 na pinanalo rin ng pambansang kamao.

Usap-usapan noon sa US na nasindikato ang June 9, 2012 na laban nina Pacquiao at Bradley dahil mas malaki ang kinita ng mga pumusta kay Bradley na siyang dehado sa nasabing laban.

Kaya nga hindi rin maiaalis ang posibilidad na may sindikato sa likod ng pagkapanalo ni Horn noong Hulyo 2 sa Australia lalo pa’t hindi lang ang mga hurado ang nagkaroon ng kuwestiyonableng “unanimous decision” kundi maging ang referee ay inireklamo ni Pacquiao na kulang sa karanasan sa mga world title matches kung kaya hindi nakikita ang mga head butt sa kanya ni Horn.

Hindi kaya nasindikato si Manny Pacquiao sa Australia kung saan naayos ng mga game-fixer ang tatlong hurado pati na ang referee at ang naging resulta ay ang pagkapanalo nila ng malaking pera dahil sa pagiging dehado ni Horn?

Alam ng maraming sports fans na nangyayari talaga ang mga game fixing sa boxing. Sa ilang pagkakataon, nababayaran ang kalabang boksingero para ibenta ang kanyang laro kapalit ng malaking halaga ng pera.

Pero sa ilang pangyayari, kalaban ng dumadayong boksingero ang home crowd gaya ng naranasan ng ating mga boksingero sa Thailand na kung hindi nila mapabagsak ang kanilang kalaban ay siguradong talo sila sa hometown decision.

At base sa naging reaksyon ng maraming boxing analysts sa naging resulta ng Pacquiao-Horn fight, mukha ngang may kumitang sindikato sa Australia lalo pa’t nakita sa naging laban na lamang sa Pacquiao sa dami ng tumamang suntok kay Horn na namaga ang mukha sa mga tinamong suntok pagkatapos ng laban. Ano sa palagay niyo?



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments