OUT OF ORDER: Martial Law sa Mindanao

0
114


Suportado ng mayorya ng mga kongresista at senador ang umiiral na Martial Law sa Mindanao lalo pa’t naglabasan na ang mga balita hinggil sa mga pang-aabuso at karahasang ginawa ng Maute Group at kaalyado nilang Abu Sayyaf Group sa Marawi City.

Sa anggulong legal, may kongkretong batayan ang idinekalarang Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao dahil hindi maikakaila ang lawak ng karahasan na inihahasik ng mga nabanggit na teroristang grupo na pinaniniwalaang nasa ilalim ng impluwensiya ng ISIS o Islamic State of Iraq and Syria.

Ilang mga gusali at simbahan sa Marawi City ang sinunog ng mga Maute at Abu Sayyaf na nagresulta sa paglikas ng mga residente sa mga kalapit na siyudad. Limang pulis din ang napabalitang pinatay ng mga terorista at ang ilan dito ay pinugutan pa ng ulo. Hindi bababa sa 37 ang sugatang mga sundalo sa mga engkwentro samantalang isang pari at mga kasamahan sa simbahan ang napabalita ring dinukot ng mga terorista.

Nilinaw ni retired Associate Justice Vicente Mendoza na hindi puwedeng akusahan ang gobyernong Duterte ng paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng Martial Law sa Mindanao dahil kalakip ng kapangyarihan nito ang pag-aresto sa mga pinaghihinalaang miyembro ng Maute at Abu Sayyaf.

Paliwanag ni Mendoza: “You cannot speak of violation of the Bill of Rights when there’s Martial Law and the suspension of the privilege of the writ of habeas corpus is effective. You cannot speak of that because you have to look at it from the military’s point of view. If you’re the military, will you go to the court to get a warrant? No more. You will just arrest suspected rebels.”

Matapos ang 14 na taong Martial Law sa ilalim ng Rehimeng Marcos, si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay nagdeklara rin ng Martial Law sa lalawigan ng Maguindanao matapos ang masaker ng 58 manggagawa sa media noong Nobyembre 23, 2009.

Wala namang naiulat noong mga pang-aabuso ng mga sundalo ng Armed Forces sa Maguindanao at bagkus ay suportado rin ito ng mga taga-Mindanao na matagal nang nagtitiis sa mga kabuktutan ng angkan ng Ampatuan.

Gaya ng inasahan, kontra sa Martial Law sa Mindanao ang mga maka-kaliwang grupo kasama na ang Commission on Human Rights na tila walang makita kundi ang mga umano’y paglabag sa mga karapatang pantao ng administrasyong Duterte — tunay man o imahinasyon lamang.

Base na rin sa ating Saligang Batas, kailangang mag-ulat si Pangulong Duterte sa Kongreso hinggil sa estado ng Batas Militar sa Mindanao 48-oras pagkatapos ang deklarasyon nito na nagtapos kahapon ng ika-10 ng gabi.

Nakasaad din sa Saligang Batas na hanggang 60 araw ang Martial Law pero pwedeng palawigin kung makakapagbigay ng malinaw na mga batayan ang Malacañang sa Kongreso kung bakit dapat pa itong palawigin ng lampas sa 60 araw.

Kontrolado ng Malacañang ang mababang kapulungan at kung magbobotahan ang Kongreso bilang Constituent Assembly ay tiyak na mananalo ang mga sumusuporta kay Duterte na palawigin sa 60 araw ang Martial Law sa Mindanao.

Kailangan lang magpakitang-gilas ang AFP na kaya nitong puksain ang Maute at Abu Sayyaf sa Mindanao at kung mahusay ang kanilang intelligence sa mga teroristang grupo ay sapat na ang 60 araw para tuluyan nang mabura sa balat ng lupa ang mga nasabing terorista.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments