OUT OF ORDER: Hindi mamatay-matay na isyu ng yumaong Pangulong Marcos

0
23


Kahapon ay ginunita ng pa­milya­ Marcos ang ika-100 kaara­wan ng yumaong pangulo at diktador na si Ferdinand Edralin Marcos na nakahimlay sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio.

Pinangunahan ni dating First Lady at ngayo’y Ilocos Norte Rep. Imelda Romualdez Marcos at ng kanyang mga anak na sina Ilocos Norte Gov. Imee Marcos at ­dating Senador Bongbong Marcos ang sentenaryo ng kapanganakan ni Apo Marcos sa pamamagitan ng isang Banal na Misa at maikling programa na nagtapos sa isang pananghalian sa LNMB.

At habang nagkakasiyahan ang mga Marcos at kanilang mga bisita, sa labas ng LNMB ay nagtipun-tipon ang mga taga­suporta ni Marcos at mga militante na kontra sa pagkaka­himlay sa mga labi ng diktador sa mga Libingan ng mga ­Bayani.

Gaya ng inasahan, mas maingay ang mga militante sa pagkondena sa mga paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng diktadura at ang bilyong pisong halaga ng pera at mga ari-arian na ninakaw ng pamilya Marcos na hanggang ngayon ay hindi pa naisasauli sa bayan.

Kamakailan ay inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa nang isauli ng pamilya Marcos ang ilang toneladang ginto bilang bahagi ng settlement ng mga Marcos sa pama­halaan kapalit ng immunity mula sa mga posibleng kaso pang haharapin.

Kasabay halos nito ang executive order na ­nagdedeklarang public holiday sa buong lalawigan ng Ilocos Norte ang ­Setyembre 11 na kapanganakan ng yumaong Pangulong ­Marcos na nagsimula kahapon.

Kung hanggang ngayon ay hindi mamatay-matay ang isyu ng tungkol sa yumaong diktador na si Marcos, ito ay sa dahi­lang patuloy na pagtanggi ng pamilya Marcos na mayroon ­silang mga ill-gotten wealth at patuloy ring pagtanggi na may malawakang paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng Batas Militar.

At dahil dito ay tumatangging magbigigay ng public ­apology sina Imee at Bongbong para sa mga kasalanan ng kanilang ama sa sambayanang Pilipino dahil nga sa pananaw nila ay walang kasalanan ang yumaong diktador.

Sa tingin ko nga ay baka nanalo sa pagka-bise presidente si Senador Bongbong Marcos noong 2016 kung naging mapagkumbaba ito at nagpahayag ng public apology sa mga kasa­lanan ng diktadurang Marcos bago pa mang nagsimula ang kanyang vice presidential campaign.

Ang problema nga lang ay hanggang ngayon ay pilit pa ring itinatanggi ng pamilya Marcos na nagkaroon ng malawakang paglabag sa karapatang pantao noong Martial Law kung saan kabilang ang 10,000 human rights victims na naka­kuha ng kumpensasyon nang maipasa ang batas noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Nasa kamay ng mga Marcos ang closure sa isyu ng ­human rights violations at mga nakaw na yaman at mangyayari ­lamang ito kung may pag-amin sa kanilang bahagi at pag-isyu ng public apology kasabay ng pagsasauli ng mga ninakaw na yaman kabilang na ang sinasabing tone-toneladang ginto na puwedeng ipambayad sa ating utang panlabas.

Kung magkakagayon ay doon lamang mamatay ang isyu sa yumaong diktador na si Ferdinand Edralin Marcos.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments