OUT OF ORDER: Delikadong trabaho ang traffic enforcer

0
67


Paparami na ang bilang ng mga traffic enforcer na nagi­ging biktima ng mga walang disiplinang motorista na kundi nakakaladkad o nasasagasaan ng sinisita nilang motorista ay napapatay ang mga enforcer ng mga de-baril na driver na mga siga kung umasta sa kalsada.

Kaya nga isa na sa mga delikadong trabaho ang pagiging traffic enforcer hindi lang sa National Capital Region kundi maging sa ilang mga lungsod sa labas ng NCR.

At hindi na lang mga lala­king driver ang nagiging abusado sa kalsada kundi pati na rin ang mga babaeng driver gaya ng nangyari ­nitong nakaraang Lunes sa Cainta, Rizal kung saan muntik sagasaan ang isang traffic enforcer na sumita sa babaeng driver ng isang Toyota Innova na nag-counter flow.

Naging viral ang video ng sigang babae na ayaw pumayag na ibigay ang kanyang lisensiya sa traffic ­enforcer at pinagpipilitan na marami silang nag-counter flow pero bakit siya lang ang sinita ng enforcer.

Nasundan ang naturang insidente ng kaso ng illegal parking sa Makati kung saan sinita rin ng traffic enforcer­ ang driver ng isang itim na Vios na nakilalang si Jayson Tamares noong Martes ng gabi.

Illegally-parked ang Vios ni Tamares sa Barangay San Lorenzo at dalawang beses umanong nilapitan ng traffic enforcer na si Donald Catamora si Tamares at hiningi ang driver’s license nito, pero tumanggi ang suspek na sinigawan pa bago tinakasan nito ang traffic enforcer.

Nang akmang aalis si Tamares, humarang na sa harap ng sasakyan si Catamora at dito na pinaandar ng driver ang kotse, at binangga’t kinaladkad ang kawawang traffic enforcer na may 50 hanggang 100 metro.

Tumama pa ang side mirror ng Vios kay Catamora na lalong ikinagalit ng driver na si Tamares na nagbukas na ng pinto at pinipilit ang traffic enforcer na bayaran ang side mirror at kung hindi ay ipapatanggal daw ­siya nito sa trabaho.

Muntik pang magsuntukan ang traffic enforcer na si Catamora at suspek na si Tamares pero inawat sila ng ibang traffic enforcers na rumesponde at nagdala sa suspek sa istasyon ng pulisya.

Masuwerte pa rin si Catamora at buhay pa siya hindi gaya ng traffic enforcer na si Noel Lunas na binaril ng driver ng hinahabol na sasakyan sa Roxas Boulevard noong Marso 21.

Nakuhanan ng surveillance camera ang pagsunod ni Lunas sa isang Toyota Innova na lumabag sa batas-­trapiko. Pagkatigil ng sasakyan ay pinuntahan ito ni Lunas, at­ ­saka siya umanong binaril ng mga nakilalang sina Nashro ­Bagindulo, alyas Cairoden Magundao at Norhinia­ Sema, na kilala rin bilang Agua Sema at Rose Sema.

Sa pagkakaalam ko ay hindi pa naaaresto ang mga pumatay kay Noel Lunas at malamang na nakabalik na ang mga suspek sa Mindanao at baka nga kasama pa ng mga tero­ristang grupong Maute na naghasik ng lagim sa Marawi City.

Kailangan na sigurong turuan ng self-defense ang mga traffic enforcer at puwede siguro silang armasan ng mga yantok na ginagamit sa Filipino Martial Arts (FMA) na arnis.

Hindi naman kasi puwedeng bigyan ng baril ang mga traffic enforcer dahil labag ito sa batas.

Pero makaka­tulong sa kanila ang pagsasanay sa arnis para magkaroon sila ng kumpiyansa na manita ng mga pasaway na ­motorista gamit ang mga yantok na puwedeng magamit sa mga bayolenteng driver.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments