OUT OF ORDER: Dapat maghigpit ang PNP-SOSIA sa seguridad ng mga condo sa NCR

0
109


Nakakalungkot ang trahed­yang nangyari sa Central Park 2 Condominium sa Pasay City kung saan limang katao ang napatay sa saksak ng patalim ng nag-amok na suspek na si Alberto Garan na kakalipat pa lamang sa nasabing condo galing sa Cagayan.

Kabilang sa limang kataong nasawi ang beteranong peryodistang si Joel Palacios na natiyempong pababa sa kanyang unit sa 16th floor ng condominium para sa kanyang regular na jogging na bahagi ng kanyang physical fitness sa kanyang edad na 70.

Naging reporter at editor si Palacios sa mga pahayagang Philippine Daily Inquirer, Manila Bulletin, Manila Standard, Manila Times at Reuters news agency.

Naging spokesman at assistant vice president for media affairs si Palacios sa Social Security System hanggang mag-retiro ito noong 2012 ng marating niya ang mandatory retirement age na 65 years old.

Pagkatapos masaksak si Palacios ay nagpatuloy pa sa pag-amok ang suspek na si Garan at napatay ang 12-anyos na Grade 6 pupil na si Daisery Castillo sa 17th floor; at sina Ligaya Dimapilis, 36-anyos at Leticia Ecsiagan, 50-60-anyos, na pawang nakatira sa 20th floor.

Apat na tenant ang nasaksak din at kasalukuyang nagpapagaling sa Pasay City General Hospital.

Kabilang sa mga nakaligtas ang live-in partner ni Palacios na si Belcris Elorde, 24-anyos; April Joy Sagarino, 20-anyos; Arlyn Dian Cordero, 23-anyos at Margie Morales, 26-anyos.

Malaki ang pananagutan ng may-ari ng Central Park 2 Condominium na si Emilio Ching dahil sa kawalan ng mahusay na seguridad sa naturang building.

Napag-alaman ng mga police investigators na sa gilid lang ng mga elevator mayroong nakakabit na closed circuit television camera (CCTV) at wala sa mga hallway kung saan nangyari ang pananaksak ni Garan.

Dapat ding kasuhan ng Philippine National Police-Supervisory Office for Security and Investigative Agencies (PNP-SOSIA) ang mga security guard ng Corregidor Veteranos dahil sa kawalan ng mabilis na aksyon ng mga ito sa mga oras na nagwawala si Garan.

Ang malaking tanong nga ay kung ilan ang naka-deploy na security guard ng Corregidor Veteranos noong mga oras na nag-aamok si Garan.

Makikita sa bilang ng naka-deploy na security guards sa loob ng isang araw kung sapat ba ito para matiyak ang kaligtasan ng mga tenant dito na nakatira sa mahigit 2,000 unit kung saan karamihan ng nakatira ay mga estudyante.

Para ngang throwback sa nangyaring trahedya sa Resorts World Manila kung saan nakita ang kahinaan ng mga security guards at maging ng mga nagmamando sa CCTV kung kaya nakapasok ang suspek para makapaghasik ng lagim na nagresulta sa pagkamatay ng may 29 na katao dahil sa suffocation na sanhi ng sunog.

Tama ang ginawang pagsibak sa hepe ng Police Precinct 5 na sumasakop sa Central Park dahil sa mabagal na pagresponde ng mga tauhan ni Senior Insp. Edgar Dimaunahan na umabot ng limang oras bago makarating sa Central Park 2 condo kahit na 70 metro lang ang layo ng PP5 sa nasabing building na matatagpuan sa D. Jorge Street, Barangay 132, Pasay City.

Naunahan pa nga ng National Capital Region Police Office-Special Reaction Unit (NCRPO-SRU) ang mga tauhan ni Senior Insp. Dimaunahan na makaresponde at sila ang nakipaghabulan sa suspek na si Garan hanggang mapatay ito nang tumangging sumuko.

Walang duda na kailangang magsagawa ng inspeksyon ang PNP-SOSIA sa lahat ng condominium sa Metro Manila para tiyakin na mahusay ang seguridad sa mga ito nang hindi na muling maulit ang trahedya sa Central Park 2 Condominium sa Pasay City.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments