OUT OF ORDER: Black propaganda kay Kian Loyd

0
55


Nahimlay na noong Sabado si Kian Loyd delos Santos isang araw matapos sampahan ng kasong pagpatay ang tatlong pulis-Caloocan na may kinalaman sa pagpatay sa 17-anyos na Grade 11 student.

At habang inihahatid sa huling hantungan si Kian ay patuloy ang mga black propaganda sa kanya sa Facebook live ng ABS-CBN kung saan ang mga trolls ay paulit-ulit sa pagkomentaryo na drug courier­ ang menor-de-edad gaya ng gustong palabasin ng Philippine National Police.

Sa naging pagdinig noong Huwebes ng Senate committee on public order, security and illegal drugs, inamin ng sinibak na hepe ng Caloocan City police na si Senior Supt. Chito Bersaluna na sa social media nila napag-alaman na may kinalaman sa ilegal na droga si Kian.

Pero nagsinungaling pa rin si Bersaluna dahil kung mayroon mang lumabas na black propaganda kay Kian sa social media ay nanggaling din ito sa kanya nang iprisinta niya sa media ang isang alyas ‘Nono’ na siya umanong nagturo kay Kian bilang isang drug courier.

At bago pa nahuli si alyas ‘Nono,’ nagbigay ng pahayag sa media ang public attorney na si Darwin Cañete ng Caloocan City Prosecutor’s Office na hindi siya naniniwalang todo-todong inosente ang napatay na si Kian Loyd delos Santos.

“I am not saying they did not kill the kid. The [police] should be held accountable if ever it’s a proven EJK [extrajudicial killing]. But making the kid super innocent? I am not buying it,” pahayag ni Cañete noon mismong gabi ng Agosto 16 kung kailan napatay si Kian ng mga elemento ng Police Precinct 7.

Matapos maere sa TV ang pahayag na ito ni Cañete, si ‘Nono’ ay kumbinyenteng nasakote ng Caloocan police noong Agosto 17 at nang iprisinta sa media ay nakatakip ang mukha ni Nono na hindi ibinigay ng mga pulis ang tunay nitong pa­ngalan at wala ring ipinakitang spot report ng pag-aresto o sinumpaang salaysay ni Nono.

Ayon kay Nono, tatlong buwan ng drug courier si Kian at araw-araw ay nagdadala sa kanya ng dalawang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P17,000. Si Neneng daw ang main supplier ng shabu na ibinibigay kay Jeslyn para ibigay kay Kian na siyang magbibigay kay Nono.

Kumpleto ang detalye ni Nono tungkol sa pagiging drug courier ni Kian maliban na lang sa detalye kung magkano ang komisyon ni Kian at kung may dala ba lagi itong kalibre .45 tuwing magpapasa sa kanya ng shabu.

Ayon pa rin kay Nono, minsan ay dalawang beses nagpapasa sa kanya ng shabu si Kian pero kumbinyente niya ring hindi sinabi sa media kung anong oras nagaganap ang mga ito. Bakit kamo? Dahil kilalang masipag mag-aral si Kian at ayon na rin sa kanyang faculty adviser ay minsan lang ito nahuling nag-cutting classes.

Malamang na kung may magtanong na media ay ang isasagot ni Nono ay summer vacation noong naging drug courier si Nono at dahil walang pasok sa eskwelahan ay kaya ni Kian na araw-arawin ang pagdadala ng shabu para mas malaki ang kanyang kikitain na komisyon.

Ang problema nga lang ay pati si PNP chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa ay napaniwala ni Senior Supt. Bersaluna tungkol kay ‘Nono’ kaya siguro nang malaman ni Gen. Bato na niloko siya ni Bersaluna ay agad niyang sinibak ito sa puwesto kasama na ang hepe ng Northern Police District (NPD) na na­damay sa pekeng intelligence information.

Kung hindi kasi peke si Nono, dapat sana ay iniharap nila sa Senado ang kanilang star witness laban kay Kian. Pero dahil nga peke si Nono, natatakot si Bersaluna na gawin ito dahil baka umamin si Nono sa harap ng mga senador na pinilit lang siyang idawit sa droga si Kian.

Pati nga ‘yung naka-post sa social media na kapitbahay daw ni Kian na may pangalang Jane Sandigan ay napatunayan­ ding fake account matapos magreklamo si Jem Biscocho na ninakaw ni Jane Sandigan ang kanyang litrato na siyang ginamit sa pekeng Facebook account ni Sandigan.

Binaril na nga si Kian hanggang napatay ng mga pulis at hanggang ngayon ay patuloy na pinapatay ang kanyang karak­ter sa pamamagitan ng paglilipana ng mga paninira sa kanyang pagkatao. Sadyang ganyan ang black propaganda.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments