OUT OF ORDER: Bakit hindi isailalim sa Martial Law ang EDSA?

0
64


Daang libong mga moto­rista at pasahero ang ­dumadaan sa EDSA araw-araw at maituturing na mala-­kalbaryo ang kanilang biyahe kabilang na ang mga ­sumasakay sa MRT na bukod sa parang nasa lata ng sardinas ang mga nagsisiksikang pasahero sa mga bagon ay super-bagal pa ang mga ito dahil sa maraming depekto.

Base na rin sa estimasyon ng Japan International Cooperation Agency (JICA), umaabot sa P2.4 billion ang nawawala sa bansa dahil sa matinding traffic congestion hindi lamang sa EDSA kundi maging sa mga ­pangunahing lansangan ng Metro Manila.

Nasanay na ang marami nating kababayan sa kanilang araw-araw na kalbaryo sa kahabaan ng ­EDSA pero hindi dahil hindi na sila nagrereklamo ay nanga­ngahulugang tanggap na nila ang kanilang masamang sitwasyon.

Hindi siguro dumadaan sa EDSA araw-araw ang TV host at komedyanteng si Vice Ganda kung kaya nang minsang madaan siya rito noong nakaraang Huwebes ay nag-rant na siya sa kanyang Twitter posts kung saan napupunta ang mga binabayarang buwis para maibsan ang traffic sa Metro Manila.

Naiintindihan ko kung saan nanggagaling si Vice Ganda pero dahil nga sikat na celebrity siya ng ABS-CBN, mabilis ang media na kumuha ng reaksyon ­mula kay retired Gen. Danilo Lim na siyang chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Isang buwan pa lang bilang MMDA chairman si Gen. Lim kaya natural lang na mapikon siya sa tanong ng mga reporters kung gaano katagal pa ang paghihintay ng mga driver at commuter para maibsan ang traffic congestion sa EDSA.

Ito lang naging tugon ni Gen. Lim: “There is no overnight solution to the traffic situation in this country. But with forceful implementation, with discipline and the ­cooperation of everybody, somehow we can ­restore ­order in our streets and hopefully make life in Metro Manila more vibrant and liveable.”

Sang-ayon tayo sa pahayag ni Gen. Lim na para maibsan ang traffic congestion sa EDSA at mga panguna­hing lansangan sa bansa, kailangan ang “forceful implementation” ng mga batas trapiko at ang pagkakaroon ng ­disiplina at kooperasyon ng mga motorista at pasahero.

Mangangahulugan ito na walang sasantuhin ang mga MMDA traffic enforcers sa pagpapatupad ng mga batas trapiko sa EDSA at kabilang sa mga dapat hulihin ay ang mga driver ng mga bus na patuloy na ginagawang­ terminal ang mga intersection sa EDSA para kumuha ng mga pasahero.

Wala rin dapat sa EDSA ang mga pampasaherong jeepney at tricycle na ginagawang U-turn slot ang mga intersection sa EDSA kung kaya apektado ang pag-usad ng mga pribadong sasakyan.

Nahirati na sa dating sistema ang mga walang ­disiplinang driver ng mga bus, jeepney at tricycle kung kaya mahihirapan dito si Gen. Lim lalo pa’t hindi ­naman lihim na patuloy na tumatanggap ng payola sa mga bus operators ang ilang mga tiwaling opisyal ng MMDA para hindi sitahin at hulihin ng mga traffic enforcer.

Kung gusto talaga ni Gen. Lim ang “forceful implementation” ng mga batas trapiko at magkaroon ng ­disiplina ang mga motorista, baka mas mabuting ­isailalim sa Martial Law ang kahabaan ng EDSA nang sa gayon ay maisaayos ng MMDA ang daloy ng trapiko sa naturang highway. Ano sa palagay niyo?



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments