OUT OF ORDER: Bakit hindi gawing BuCor director general si Supt. Marvin Marcos?

0
48


Kahanga-hanga ang ­ginawang pagbibitiw ni retired police ­general Benjamin Delos Santos bilang ­director-general ng Bureau of Corrections (BuCor) kasunod ng pagbubunyag ni Justice ­Secretary Vitaliano Aguirre II hinggil sa panunumbalik ng illegal drug trade sa New Bilibid Prisons.

Una nang pinabulaanan ni Delos Santos ang umano’y panu­numbalik ng drug trade sa NBP at sinabi pang ang insidente na kina­sangkutan ng isang miyembro ng Special Action Force ay kaso ng pagnanakaw ng isang TV set at P208,000 cash sa loob ng NBP chapel noong Marso 29.

Tumagal lang ng walong buwan sa BuCor si Delos ­Santos at nakapanghihinayang na ang kanyang magagandang plano para sa kanyang ahensya ay maglalaho nang parang bula dahil sa kanyang irrevocable resignation.

Noong ika-dalawang buwan sa puwesto si Delos Santos, nagbitiw din ang kanyang deputy na si retired police general Rolando ­Asuncion matapos akusahan din siya ni Secretary Aguirre na tumanggap ng mamahaling sasakyan mula sa isang drug lord sa Bilibid.

Sa pagkakaalam ko ay wala nang inilabas na report ang BuCor hinggil sa akusasyon ni Aguirre kay Asuncion na mariing itinanggi ang paratang sa kanya kasabay ng paghahain ng kagyat na pagbi­bitiw gaya ng ginawa ni Delos Santos nitong nakaraang Huwebes.

Ang tanong na nga lang ay kung sino ang ipapalit kay ­Delos Santos bilang bagong BuCor director-general na magbi­bigay tuldok sa illegal drug trade sa NBP na sinasabing ­tumindi ang kalakaran sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino kung saan ang kalihim ng Department of ­Justice ay si Senador Leila de Lima.

Wala akong ibang maisip na puwedeng gawing BuCor director-general kung ‘di si Police Supt. Marvin Marcos na napatunayan na ang katapatan sa kampanya laban sa ilegal na droga ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kung si Marcos ang mauupo sa BuCor, wala nang aalalahanin si Secretary Aguirre hinggil sa drug trade sa NBP ­dahil siguradong matitigil ang ilegal na operasyon ng mga drug lords dahil sa tindi ng galit ni Marcos sa mga ito.

Kailangan nga lang isama ni Marcos sa BuCor at gawing mga opisyal sa NBP ang 18 kasamahan nito sa Region 8 na kapwa akusado sa pagpatay sa sinasabing drug lord at dating Albuera, Leyte Mayor Ronaldo Espinosa Sr. at kasamahan nitong si Raul Yap sa loob ng Baybay City sub-provincial jail noong Nobyembre 5, 2016.

Magiging madali para sa grupo ni Marcos na patigilin ang drug trade sa Bilibid dahil sanay na ang kanyang mga tauhan na gumawa ng senaryo sa loob ng kulungan na sigurado rin namang susuportahan ni President Rody na kilalang galit sa mga drug lords.

Ang tanong na nga lang ay kung may lakas ng loob si ­Secretary Aguirre na irekomenda sa Malacañang na ­i-appoint si Marvin Marcos bilang BuCor chief kasama ang 18 iba pa na kinabibilangan nina Supt. Santi Noel Matira; Chief Insp. Leo Larraga; Senior Insp. Fritz Blanco; Senior Insp. ­Deogracias Diaz; Insp. Lucredito Candilosas; SPO4 ­Melvin ­Cayubit; PO3 Johnny Ibañez; SPO4 Juanito Duarte; PO1 Lloyd ­Ortigueza; PO1 Bhernard Orpilla; SPO2 Benjamin ­Dacallos; PO3 ­Norman Abellanosa; PO1 Jerlans Cabiyaan; PO1 ­Clixto ­Canillas Jr; SPO1 Mark Christian Cadilo; PO2 John Ruel Doculan; SPO2 Antonio Docil at PO2 Jaime Dacsal.

Kunsabagay, DOJ din naman ang naging susi kung bakit naging homicide lang ang kaso ng grupo ni Marcos at hindi murder kung kaya madali para sa kanila ang makapaglagak ng piyansa kasunod ng pagbalik sa active service sa Philippine National Police. Ano nga kaya?



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments