Nograles: Pagbibitiw ni CHED Chair Licuanan, ‘morale-booster’ sa scholars

44



Umaasa ang isang kongresista na matutugunan na ang reklamo ng ilang scholar ng Commission on Higher Education (CHED) sa pagbibitiw sa puwesto ni CHED Chairperson Patricia Licuanan.

Ayon kay House assistant majority leader Jericho Nograles, maituturing na pampataas ng morale ng scholars ang pagbaba sa puwesto ni Licuanan.

“Our scholars can now heave a sigh of relief and have good reasons to hope that their problems will be soon resolved,” ani Nograles.

(Puwede nang mapabuntong-hininga ang mga iskolar ngayong may pag-asa nang maresolba ang kanilang mga inirereklamo.)

Dagdag pa ni Nograles, umaasa siyang tutugunan ng susunod na pinuno ng CHED ang reklamo ng scholars na hindi umano natatanggap ang allowance mula sa ahensiya.

Nauna nang sinabi ni Nograles na gusto niyang paimbestigahan ang mga iregularidad sa CHED kabilang na ang umano’y abuso sa mga biyahe sa ibang bansa at pagkaantala sa pamamahagi ng mga benepisyo ng mga iskolar.

Itinanggi ni Licuanan ang mga alegasyong ipinukol sa kaniya.

“Although I vehemently deny the accusations, it is time to resign,” ani Licuanan.

(Kahit mariin kong itinatanggi ang mga akusasyon, panahon na para magbitiw.)

ISYU SA MGA BIYAHE

Isa naman sa mga naging isyu ni Licuanan ay kung paanong lumabas ang internal documents, tulad ng kaniyang travel records, at napasakamay ni Nograles.

“Who put together these documents and who offered it to Cong. Nograles?” tanong ni Licuanan.

Iginiit din ng nagbitiw na opisyal na aprubado ng Office of the Executive Secretary ang kaniyang mga biyahe: 8 noong 2017; 5 noong 2016; 6 noong 2015; 2 noong 2014; at 3 noong 2013.

Dinepensahan din si Licuanan ni Atty. Lily Freida Milla, CHED Director for international affairs.

“… On the issue of excessive travel, I stand with her on that one because it is our office that is responsible on those travels,” sabi ni Milla.

(Kaparehas ko ang posisyon ni Licuanan sa isyu ng sobra-sobrang biyahe. Ang departamento namin ang responsable sa mga nasabing biyahe.)

Ayon din kay Licuanan, nitong weekend pa lang, tinawagan na siya ng executive secretary ni Pangulong Rodrigo Duterte para hilingin ang kaniyang pag-alis sa puwesto. 

“Over the weekend, I received a call from Executive Secretary Salvador Medialdea asking me to resign as chairperson of the Commission on Higher Education,” ani Licuanan.

IKAAPAT NA SINIBAK 

Sinabi ng Malacañang na tinatanggap nito ang pagbibitiw ni Licuanan.

Sa Hulyo 2018 pa dapat magtatapos ang termino ni Licuanan na itinalaga ni dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.

Kamakailan lang, sinabi ni Duterte na may sisibakin na naman siyang chairman ng isang ahensiya.

Pero tumangging sumagot ang Malacañang kung si Licuanan ito.

“Her resignation has rendered all controversies being moot and I don’t feel compelled to issue any statement on that regard,” ani Presidential spokesman Atty. Harry Roque. “It was a decision of Chair Licuanan herself.”

Si Licuanan na ang ikaapat na opisyal na pinaalis sa puwesto dahil diumanoy sa sobra-sobrang pagbiyahe sa ibang bansa.

Nito rin lang Enero, sinibak si Maritime Industry Authority administrator Marcial Amaro III dahil sa naturang alegasyon.

Halos pareho rin ang basehan sa pagpapaalis sa puwesto kina Dangerous Drugs Board chairman Dionisio Santiago at Presidential Commission for the Urban Poor chairman Terry Ridon.

Kapwa nila itinanggi ang mga alegasyon ukol sa maluhong pagbiyahe.

Noon pa lang Disyembre, pinagbawalan na ni Duterte si Licuanan na dumalo sa lahat ng pulong ng gabinete.

Noong nakaraang linggo rin lang, nanindigan pa si Licuanan na hindi siya aalis sa puwesto.

Hindi pa sinasabi ng Palasyo kung sino ang papalit kay Licuanan.

Ayon naman kay Ateneo de Davao President Fr. Joel Tabora, S.J., nagpahaging na si Duterte na gusto niyang humalili sa puwesto ang dating propesor ng pangulo na si David Lapuz.

Bukod kay Licuanan, may apat pang commissioners ang CHED: sina Prospero De Vera, Minella Alarcon, Ronald Adamat, Lilian de las Lagas.

— May ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments