Nagsalita na ang silent majority

0
27


Silent majority. Mga ordinaryong mamamayan na hindi naririnig ang boses pero masugid na nag-oobserba sa ginagawa ng pamahalaan. Maaaring naririnig lang ang kanilang tinig sa pamamagitan ng mga survey.

Karaniwan ang political opposition ang nangangalampag sa mga maling gawain ng pamahalaan. Tungkulin ‘yan naming nasa oposisyon.

Nagsasalita kami base sa katotohanang aming nakikita pero karaniwan, kami pa ang inaakusahang nanggugulo, tinatawag na destabilizer at kung anu-ano pa.

Kami sa oposisyon ang nagsisilbing boses ng mga mamamayang hindi naririnig ang hinaing at reklamo sa pamahalaan sa iba’t ibang usapin lalo na sa drug war.

Nang sinimulan ang giyera kontra iligal na droga, may nakita na kamin­g mali sa magkakasunod at patuloy na pagpatay ng mga suspek at ang pagiging­ selective nito.

Pawang mga mahihirap lang ang pinupuntirya samantalang ang mga malalaking druglords at nag-aangat ng iligal na droga ay hindi tina-target at kapag nahuli ay igigiit ang due process na ipinagkait naman sa mga small-time drug users at pushers.

Kaya kami nagsasalita­, nagbabaka-sakaling itama ng PNP ang sistema at idaan sa due process ang giyera kontra-droga.

Napakahirap naman atang paniwalaan na halos lahat ng libo-libong namatay sa police operations ay nanlaban sa mga arresting officers.

Ngayon, nagsalita na ang silent majority sa pamamagitan ng survey ng Social Weather Station.

Ayon sa survey, parami nang parami ang nagsasabi na hindi sila naniniwala na nanlaban ang mga illegal drug suspects.

Sa latest survey ng SWS noong Septyembre, 37% ang nagsasabi na hindi sila naniniwalang nanlaban ang mga suspek, 45% ang undecided at 17% lamang ang naniniwala na sila ay nanlaban.

Tumaas ng 9% ang hindi naniniwalang nanlaban ang mga suspek mula sa 28% na naitala noong June habang nabawasan naman ang naniniwalang sila ay nanlaban na nagin­g 17% na lang mula sa 25%. Nananatil­i naman sa 45% ang undecided­.

Ito ay sinasabi na namin noon pa na mahirap paniwalaan na nanlaban ang mga suspek na napaslang.

Kung ikaw ang suspek at alam na alam mong tinutugis na ng kasalukuyang administrasyon ang mga sangkot sa iligal na droga, makukuha mo pa bang manlaban sa awtoridad?

Ang madalas na palusot ng PNP na nanlaban ang mga suspek ay hindi nakakalusot sa mga nag-oobserbang mamamayan.

May mga saksi sa drug operations na sinasabing hindi naman daw nanlaban ang mga suspek na napapatay, taliwas sa sinasabi ng mga sangkot na pulis.

Mas lalong nagduda ang taumbayan sa ganitong palusot ng PNP nang lumabas ang kuha ng CCTV sa nangyari kay Kian delos Santos.

Nakakuha na kami ng mga spot report ng police operations kaugnay sa illegal drugs. Maingat na namin itong tina-tabulate at masusing tinitingnan kung tutugma ang mga datos.

Maaaring marami sa ating mga kababayan ay tahimik sa mga kaganapan sa ating bansa ngunit sila ay tutok at patuloy na nagmamasid.

Hinihikayat ko ang lahat na tayo ay magsalita lalo na sa mga maling ating nakikita at naririnig.

Tayong lahat ay bahagi ng anumang nangyayari sa bansa bilang mamamayan nito. Nararapat lang na maiparinig at maiparating natin ang ating mga hinaing.

***

Makipagtalakayan kasama ko sa: Email: rep.alejano.magdalo@gmail.com FB: /Rep.AlejanoMagdalo Twitter: @AlejanoGary



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments