Mitoy, inalala ang karanasan sa insidente sa Resorts World

0
75



MANILA – Sinariwa ni Mitoy Yonting ang sariling karanasan sa nangyaring pag-atake sa Resorts World Manila nitong Biyernes ng madaling araw.

Sa panayam ng ABS-CBN News nitong Biyernes ng hapon, sinabi ni Mitoy na nagpe-perform sila sa unang palapag ng Resorts World Manila nang may mangyaring kaguluhan at makarinig ng pagpapaputok ng baril mula sa ikalawang palapag.

“Sa ground floor kami, sa Bar 360 nagpe-perform. Sa second floor nangyari ‘yung insidente pero noong nagtakbuhan na nga sa second floor pababa, nakita namin… Sa personal kong nakita ay ‘yung nagtakbuhan na ang mga tao. 

“At first kasi may mangilan-ngilan na kaming nakitang nagsuntukan doon, nag-away doon na players, nagkagulo. Kaya noong una ang impression ko baka may nagsuntukan na naman. Baka may nag-away na naman. Pero noong pangalawang bugso ng takbuhan, parang iba na. Tapos mayroon na kaming narinig na putok nga kasi second floor ‘yon. Masyadong malaki ang lugar kaya ‘yung tunog ng putok ay maririnig mo talaga na automatic rifle ang ginagamit,” aniya.

Pagkatapos na magkagulo ay agad na tumigil sa kanilang pagpapalabas sina Mitoy at muling bumalik sa kanilang dressing room para tuluyang lumabas sa gusali.

“Sabi ko nga sa mga tao, huwag kayong mag-alala, don’t panic, para di magkagulo. Pero sabi ko nga, noong second wave na ng takbuhan ng tao, eh hindi na ako nagsalita. Bumaba kami, pinababa ko ‘yung grupo, ‘yung banda, at pumunta kami sa dressing room. Kasi sa dressing room, may exit at doon kami lumabas,” kuwento niya. 

“Pero sa lakas ng putok eh bumalik na naman kami papasok. Tapos humahanap kami ng ibang direksyon palabas.”

Ayon kay Mitoy, nakalabas sila sa parte ng Duty Free patungong Villamor Air Base.

“Noong lumabas kami sa Duty Free sa may gilid ng mall, paglabas mismo namin ng Resorts World noong nasa kalsada kami, eto na naman, may takbuhan na naman. Parang mga tatlong beses kaming tumakbo at ‘yun nga ‘yung dalawang kasama ko. Dumiretso kami ng Villamor Air Base kasama ng siguro more or less mga 100 persons kaming nakapasok doon sa Villamor Air Base. Tapos ni-lock nila ‘yung gate,” aniya.

Ayon sa mang-aawit, may isang oras silang namalagi sa Villamor Air Base hanggang sa tuluyan na silang pinauwi.

Pag-alala pa ni Mitoy, pasado alas-dos na nang makauwi siya sa kanilang bahay.

“Iniwan ko na sasakyan ko, pati nga mga gamit namin nasa stage pa. ‘Yung gitara, mga gadget, nandoon pa talaga,” aniya.

Maliban kay Mitoy ay nagtanghal din sa gabing iyon ang mga “Tawag ng Tanghalan” finalists na sina Jex de Castro, Froilan Canlas at Eumee Capile.

“Sila ‘yung nauna, siguro mga 11 tapos na sila. Kami mga 11:30 ang set namin. Siguro nga wala na sila doon, kami na lang,” ani Mitoy. 
 
Dahil sa naging karanasan, sinabi ni Mitoy na importante ngayon ang maging alerto at mapagmatyag.

“Kasi kagabi na experience ko, lahat pwedeng mangyari kasi may mga galamay pa yan. I mean may sniper, nagpapakamatay para makapangdisgrasya, makapangdamay. Siguro sabi ko pwedeng maging praning pero in a good way na ‘yung alerto ka. Tingnan mo ‘yung paligid, tingnan mo kung saan ka makakatakbo, tingnan mo kung saan ka pwedeng sumuot anu’t anuman ang mangyari. 

“Kung makakagawa ka ng paraan, maging alerto ka. Minsan hindi din masamang magduda sa tao,” ani Mitoy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments