Mga parokyano ng 3-in-1, softdrinks, tatamaan sa buwis

0
104



Mga taong umiinom ng 3-in-1 na kape o tinitimplang juice ang namemeligrong pumasan ng madadagdag na bagong buwis na niluluto sa Kongreso at itinutulak ng Palasyo, ayon sa pag-aaral ng isang grupong nagtataguyod ng ligtas na pagkain. 

Sampung piso kada litro ang gustong ipataw na excise tax sa 3-in-1 coffee, instant at powdered juice drink, at soft drinks bilang parte ng buwis sa sweetened beverages o inuming may asukal. Ang mga produktong ito ang madalas na binibili ng mga mahihirap na Pinoy sa mga sari-sari store o supermarket.

Sa survey na inilabas ng Chamber of Food Manufacturers, 87% ng umiinom ng 3-in-1 coffee ay galing sa “social class” D at E o mahihirap.

Sa mga umiinom ng powdered juice drink, 88% ang galing class D at E habang sa mga umiinom ng softdrinks, 79% ang kabilang sa class D at E.

Dagdag pa ng tagapagsalita ng Chamber of Food Manufacturers na si Atty. Ricky Salvador, anti-poor ang panukala at makakadagdag lang ito sa gastusin ng mga minimum wage earners. 

Sapul ang sari-sari

Ayon naman kay Vicky Aguinaldo, presidente ng Philippine Association of Sari-sari Stores and Carinderia Owners, sapul din ang mga may-ari ng sari-sari store dahil hanggang 40% daw ng tinda nila, produktong may sangkap na asukal.

Sa estimate ng mga sari-sari store owners, ang P5 3-in-1 coffee sachet, magiging P8.

Ang 1 liter na powdered juice, magiging P20 ang sachet.

At ang isang litrong softdrink magiging P25 mula sa kasalukuyang P16.

Sa linggong ito pagbobotohan sa Kamara kung aaprubahan ang tax reform kung saan kasali sa dagdag na excise tax ang mga sweetened beverages, sasakyan, at produktong petrolyo.

DOH, laban sa matamis

Idiniin ng Department of Health nitong Martes ang pagsuporta sa Tax Reform Package ng administrasyon.

Ayon kay Health Undersecretary Lilibeth David, ang panukala ay kinakailangan para makagalaw nang mas mabisa ang gobyerno at masiguro and kalusugan ng mahihirap. 

Inaasahang popondohan ng karagdagang kita mula sa VAT at sa excise taxes sa petrolyo, mga sasakyan, at inuming matatamis ang mga batayang serbisyo gaya ng edukasyon at pagpapagamot. 

Nahuhuli na ang Pilipinas sa mga bansang ASEAN pagdating sa pagpapagamot, ayon kay David. 

Ayon sa DOH, ang sin tax law ang pinakamabuting halimbawa kung paanong napapakinabangan ang mga pagbabago sa pagbubuwis. Kumaunti na raw kasi, halimbawa, ang mga naninigarilyo dahil sa taas ng presyo ng sigarilyo. 

Pag-angat ng ekonomiya

Inaasahang lalago ang ekonomiya ng bansa sa taong 2022 kung matutupad ang reporma sa pagbubuwis ng gobyerno, ayon sa hepe ng National Economic Development Authority (NEDA), si Director General Ernesto Pernia. 

Tama na sinertipikahan bilang ”urgent” ng Pangulong Duterte ang tax reform package. Ito ay pagsasabi sa mga mambabatas na importante para sa ehekutibo ang panukalang ito, na itinutulak bago ang bakasyon ng Kongreso sa susunod na linggo. 

Ayon sa NEDA, ibababa ng Comprehensive Tax Reform Package ang mga personal income tax rates para sa mga pamilyang may mababang kita. 

Sinisiguro rin, aniya, ng gobyerno, na mayroong magiging subsidiya sa mga maaapektuhan ng mas mataas na presyo ng bilihin o presyo ng pampublikong transportasyon.

— Ulat ni Alvin Elchico ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments