MAY PROBLEMA ANG ADDA – Remate

0
42


SINIMULAN na kahapon ng Metro Manila Development Authority ang pagpapatupad ng nirebisang Anti-Distracted Driving Act Law.

Isa sa mga pangunahing layunin ng batas na ito ang maiwasan ang mga disgrasya sa kalsada dahil lang sa paggamit ng mobile devices at gadget ng mga motorista.

Kung matatandaan ay umani ito ng sangkaterbang reklamo at protesta mula sa publiko nang una itong ipatupad noong Mayo 18 ng taong ito.
Dangan kasi ay lumalabas na sobrang over-acting ang ilang probisyong nakasaad sa batas na ito.

Dahil sa sobrang higpit ay halos wala nang ibang pwedeng gawin ang driver sa loob ng kanyang sasakyan kundi humawak sa manibela at tumingin ng diretso sa kalsada.

Gagamitin ng MMDA ang daan-daang CCTV camera na nasa mga pangunahing lansangan ng Kalakhang Maynila para mahuli ang mga motoristang lumalabag sa batas.

Pangunahin nilang target ang gumagamit ng mobile communication devices para mag-text at tumawag habang nagmamaneho sa kalsada.

Bawal din ang paggamit ng electronic equipment o computing device para maglaro, manood ng pelikula, mag-surf sa internet, magbasa ng e-books.

Ang isang mabuting probisyon ng batas na ito ay ang pinaiiral na ‘no-contact apprehension policy’, dahil sa paraang ito ay maiiwasang magamit ang ADDA sa modus ng pangongotong.

Sa halip, padadalhan ng summon ang motoristang violator at magbabayad ito ng kanyang multa sa accredited na mga bangko at payment center.

Kapag hindi nakapagbayad ng multa matapos ang pitong araw, padadalhan ng final notice ang motorista at kapag binalewala ay ire-report ito sa Land Transportation Office at ilalagay sa “alarm list” ang lisensya o kaya ang plaka ng sasakyan.

Alam naman ng lahat na sobrang adik tayong mga Pinoy sa paggamit ng mobile phones kaya ang pangunahing target talaga ng batas na ito ay iyong gumagamit nito habang nagmamaneho.

Umasa na lang tayo na sana ay maging masunurin na rin ang ating mga kababayang nagmamaneho at matuto silang sumunod sa batas na ito.

May isa lang problema sa ‘no contact apprehension policy’ ng ADDA na tila hindi naisip ng mga gumawa ng batas na ito.

Iyon ay ang katotohanang hindi naman lahat ng sasakyang tumatakbo sa kalsada ay nakarehistro sa nagmamaneho nito.

Nakalimutan nilang milyong behikulo rin ang second hand at iba ay third hand ang bumibiyahe at hindi nakarehistro sa mga gumagamit nito.

Paano kaya ang mga ganoong kaso?

Alangan naman na ang original owner pa rin ang magdusa sa kasalanang nagawa ng iba.

Magawan sana ito ng solusyon ng mga kinauukulan! OPEN LINE/BOBBY RICOHERMOSO

loading…



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments