Maute brothers kinukumpirma kung napatay

0
76


Pinaniniwalaang napatay na ang magkapatid na Omar at Abdullah Maute, ang pinaka-lider ng itinatag nilang terrorist group, sa kasagsagan ng sagupaan sa mga security forces sa Marawi City.

Ito ngayon ang kinukumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na umano’y kabilang ang magkapatid na Maute sa mga napapatay sa nagdaang bakbakan base na rin sa ilang mga pumapasok na impormas­yon mula sa mga residenteng saksi.

Ayon sa naging paha­yag kahapon ni 1st Infantry Division spokesperson Lt. Col. Jo-Ar Herrera, may matibay na indikasyon umano na nasawi ang magkapatid sa matinding opensiba ng militar.

“There are reports that Omar and Madie were killed in the operations. We are still validating this report but there are strong indications that they [were] killed,” pahayag ni Herrera sa press briefing.

Bagama’t hindi diretsang sinabi ng opisyal kung kelan namatay ang magkapatid ay nagpapatuloy pa rin ang ma­tinding engkuwentro at pagpuksa ng militar sa natitira pang mga mi­yembro ng Maute Group sa Marawi City na nasa ikatlong linggo na.

Una ng ipinahayag ni AFP chief of staff Gen. Eduardo Año na naglaan si Pangulong Rodrigo Duterte ng halagang P10 milyon bilang pabuya para sa ikadarakip nina Omar at Abdullah.

Ang ulat sa pagkakapatay ng magkapatid na lider ng terror group ay kasunod ng pagkakadakip sa kanilang ina na si Ominta Romato “Farhana” Maute nitong Biyernes ng gabi.
Si Farhana kasama ang pitong iba pang kababaihan ay naharang ng pulisya sa isang checkpoint sa bahagi ng Barangay Kormatan, Masiu, Lanao del Sur.

Samantala, kinumpirma rin ng AFP na ang sinasabing pinakapinuno ng ISIS sa bansa na si Abu Sayyaf Group leader Isnilon Hapilon ay nagkakanlong pa rin sa isang gusali sa Marawi City.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments