Maria Isabel Lopez, iginiit na ‘bukas na’ ang ASEAN lane na dinaanan

0
27



MMDA, itinanggi ang pahayag ni Lopez

Iginiit ng aktres at beauty queen na si Maria Isabel Lopez na may mga sasakyang naunang dumaan sa ASEAN lane na kanyang dinaanan nung Sabado.

Sa panayam sa DZMM, sinabi ni Lopez na una siyang nagpaalam sa isang enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para makadaan sa ASEAN lane.

“Ang nangyari, kausap ko ‘yung MMDA, nasa gitna ako ng traffic, in the midst of traffic, kausap ko ‘yung isang MMDA. Sabi ko, ‘Sir, padaan naman,” aniya.

“Maya maya, napalingon ako. Sabi ko, ‘Sir, ayan o, bakit may mga taxi?’ ‘Yung kausap kong MMDA, aba dinedma ako, iniwan ako habang nasa gitna ng trapik. Iniwan ako at nakita na rin niya lahat ng mga taxi, mga bus, mga motorsiklo, nasa ASEAN lane na,” dagdag ni Lopez.

Kuwento pa ni Lopez, binuksan na ang ASEAN lane sa northbound at southbound ng EDSA sa bandang Ortigas. Maari umanong hindi pa lamang nasasabihan ang MMDA enforcer na kausap niya kaya ito umalis.

“Probably this MMDA officer hindi niya pa alam ‘yung updated na pwede nang gamitin, so kaya niya ako iniwan. Tumakbo siya kasi na-alert siya na o bakit marami na ngang sasakyan,” aniya.

Iniurong umano ni Lopez ang cone barrier sa ASEAN lane dahil may mga ibang sasakyan nang nakadaan.

“Tapos ako naman, nasa unahan ako, sabi ko, teka muna parang unfair yata. Bakit lahat ng taxi, lahat nakadaan na dito tapos kami dito nai-stuck? So ang ginawa ko, nag-take na ako ng initiative,” aniya.

“Tao lang naman ‘di ba? Nakita ko, para yatang unfair. Bakit sila nakadaan eh kami nandito pa rin? So inurong ko ‘yung dalawang cones,” dagdag pa ni Lopez.

Nauna nang nag-viral sa social media ang post ni Lopez kung saan ikinuwento niya ang kanyang pagtanggal sa barriers sa ASEAN lane.

Umabot na sa 5,000 reactions at mahigit 4,000 shares ang Facebook post ni Lopez. Ilan sa mga ito ay bumabatikos sa ginawang pagsuway sa batas ng aktres.

Para naman kay Lopez, handa siyang tanggapin ang anumang parusa sa kanyang ginawa kung magiging patas ito sa lahat ng ibang motoristang dumaan rin sa ASEAN lane.

“This is nothing personal. Ang alam ko is binuksan talaga ‘yung lane na ‘yan. Kaya lang, siguro, ang pagkakamali ko nga lang is ginalaw ko ‘yung cone at hindi ko hinintay na MMDA official ang magtanggal noon,” aniya.

“I’m sure naman ang dami rin namang mga motorist diyan na dumaan ng ASEAN lane ng hindi sila karapat-dapat. So ngayon, kung halimbawang gawan ako ng action ng MMDA dahil sa violation ko, ‘di sana let’s just be fair. ‘Di sana lahat ng dumaan sa ASEAN lane, pantay pantay. I will take the consequence of the action pero pantay pantay,” dagdag pa ni Lopez.

Ayon naman kay Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA, bandang ika-10 na ng gabi noong Sabado nang buksan nila ang southbound lane ng EDSA.

Itinanggi rin niya ang pahayag ni Lopez na binuksan na ang southbound lane at maraming ibang sasakyang dumaan sa ASEAN lane.

“Hindi po namin binuksan sa publiko ‘yung southbound eh. I have the videos with me, na sinasabi ho na may mga buses, may mga taxis sa southbound lane sa EDSA. Wala ho kaming nakikita from the time she posted the video until 8 in the evening, 9 in the evening… Halos alas 10 na ho natin nabuksan sa publiko ‘yung EDSA southbound,” aniya.

Irerekomenda umano ng MMDA ang posibleng pagkakansela o pagsuspinde sa lisensya ni Lopez.

“MMDA will recommend to the Land Transportation Office for the possible cancellation or suspension of her driver’s license… Let’s see po after ASEAN week kung ano ang magiging desisyon ng LTO,” ani Pialago.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments