LILINISIN NI LIM ANG MMDA

0
52


SA kanyang unang araw bilang chairman ng Metropolitan Manila Development Authority, idineklara ni Danilo “Danny” Lim na lilinisin niya ang talamak na katiwalian at korapsyon sa naturang ahensya. Ano-ano kaya ang katiwalian na ito?

Binalaan din ni Lim ang mga kotongerong MMDA traffic enforcer. Hindi rin raw makalulusot sa kanya ang mga kolorum. Tatanggalin din niya ang mga sagabal sa lansangan upang mabawasan ang trapik.

Gusto bang palabasin ni Danny Lim na higit siyang magaling at epektibo kaysa kay Tomas Orbos, kaya siya ang itinalagang MMDA chairman ni Pangulong Rodrigo Duterte?

Tingnan natin kung kakayanin ni Lim na linisin ang katiwalian, korapsyon at iba pang kabuktutan sa MMDA.

Sa aking pagkakatanda, si Lim na retiradong heneral ng Armed Forces of the Philippines ay wala pang napatutunayang solidong performance sa kanyang mga naging trabaho sa nakalipas na mga taon.

Si Lim ay sumikat noon dahil kasali siya sa kudeta laban sa administrasyon nina Cory Aquino at Gloria Macapagal-Arroyo.

Tumakbong senador noong 2010 bilang independyenteng kandidato, ngunit sumali sa Liberal Party na nauwi sa pagkatalo.

Noong Setyembre 2011, itinalaga ni Pangulong Benigno Aquino III si Lim bilang deputy commissioner ng Bureau of Customs.

Nagbitiw si Lim sa puwesto noong Hulyo 2013 dahil hindi niya kinayang linisin ang napakatalamak na katiwalian at korapsyon sa BOC.

Ang tanong ngayon: “Kaya ba ni Danny Lim na linisin ang binabanggit niyang talamak na katiwalian at korapsyon sa MMDA, samantalang sumuko at umatras siya sa paglilinis ng katiwalian at korapsyon sa BOC?”

Sana mali ang persepsyon kong nagyayabang lang si MMDA Chairman Danny Lim upang mapahanga si Duterte.

FREE SCHOOL SUPPLIES SA CALOOCAN

SINIMULAN na ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan sa pangunguna ni Mayor Oscar Malapitan ang pamamahagi ng mga gamit-paaralan sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod mulang Grade 1 – 6.

Ang nasabing proyekto ni Malapitan ay taon-taon nang nagaganap simula nang maging alkalde si Malapitan ng lungsod noong 2013.

Ang pamamahagi ng mga gamit-pag-aaral sa mga mag-aaral ay kongkretong patunay na mahalaga kay Mayor Malapitan ang pag-aaral ng mga bata.

BUSAN DEAL TAPUSIN NA

MAHIGIT nang isang taon ang serbisyo ng Busan Universal Rail Inc. sa MRT 3, ngunit palpak pala.

Palaging nasisira ang mga tren ng MRT3, kaya madalas hinto ang byahe nito.

Ang kawawa rito ay ang mga pasahero at siyempre sayang ang milyon-milyong kontrata rito ng Department of Transportation.

Ang pinakamahusay at pinakawastong gawin ay tapusin na ang kontrata ng DOTr sa Busan na siyang posisyon ni ASec. Cesar Chavez. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA

loading…



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments