LETTER TO THE EDITOR 06/10/2017

0
76


Dear Sir:

Nakakapanlumo ang sinapit ng isang ginang sa Marawi City. Tinarget ng Maute sniper ang isang lola na dapat ay irereskyu ng mga sundalo matapos maipit sa bakbakan ng militar at Maute Group.

Pahayag ni B. Gen. Restituto Padilla spokesperson ng Armed Forces of the Philippines, maingat nilang plinano ang pag-neutralisa sa mga terorista dahil ginagamit na pananggalang ng mga ito ang mga sibilyan na hinostage nila.

Wala talagang konsensya ang mga teroris­tang ito. Walang alam at kalaban-laban ang biktima na winakasan nila ng buhay.

Dapat lang na pulbusin na ng militar ang mga teroristang ito. Salot na sa kapwa, salot pa sa bansa.

Magkaisa tayo na isuplong ang mga ito, ‘wag tulungan at ‘wag din suportahan nang sa gayon ay hindi na magbuwis ng buhay maging ang mga inosenteng sibilyan.

Wala silang puso at wala silang awa. Kaya naman hindi rin sila karapat-dapat kaawaan at tulungan.

Klein De Guia
Guagua, Pampanga

***

Dear Sir:

Matapos mangidnap ng mga tao sa simbahan ang Maute Group, hindi pa sila nasiyahan at winasak nila ang mga kagamitan sa simbahan.

Kumalat sa social media ang pag-atake sa simbahan at kung paano nila nilapastangan ang natu­rang pook dasalan.

Tunay ngang wala ng kinikilalang relihiyon ang teroristang grupo na ito, sana ‘yan na rin ang magdala sa kanila sa impyerno. Nakakapanggigil.

Hindi rin totoong naniniwala sila sa Diyos nilang si Allah, dahil ayon sa Islam hindi itinuro sa kanilang relihiyon ang pagpaslang.

Dapat talagang masupil ang mga kampon ng demonyo na mga Maute na ‘yan, perwisyo sa kapwa tao at hadlang sa pag-asenso ng mga Pilipino.

Ang daming apektado sa mahigit isang linggo na nilang panggugulo. Mga terorista na adik pa.

Walang sinasanto at walang sinisino kaya dapat sa mga ‘yan pagtulungan ng awtoridad at ng komunidad.

Mark R. Talledo
Cebu

***

Dear Sir:

Tumataginting na 10 milyong piso ang nakapatong sa ulo ng Abu Sayyaf leader at ‘Emir’ ng grupong ISIS sa Pilipinas na si Isnilon Hapilon.

Samantala, ayon kay Armed Forces of the Philippines chief General Eduardo Año, karagdagang 5 mil­yon bawat isa sa mga kapatid na Abdullah at Omar Maute. Iba pa umano ang 5 milyon dolyar na alok ng Amerika sa ulo ni Hapilon.

May pabuya man o wala, sana ay magkalakas ng loob ang ating mga kapatid na isuplong ang isa sa pinakamalaking problema na si Hapilon.

Kahit mapulbos ng militar at pulisya ang Maute kung mananatiling buhay ang mga pasimuno ng kaguluhang ito, maari muli silang magtayo ng panibagong grupo.

Magrekrut ng malilinlang nila at muli, maaaring sa ibang parte ng Pilipinas naman sila maghasik ng lagim. Kailangan sa ugat palang ay putulin na upang hindi na muling umusbong pa.

Ann R. Aquino
Cavite

***

Dear Sir:

Nakakaantig ng puso ang simpatya ng San Miguel Corporation sa mga naiwang mahal sa buhay ng mga sundalong nasawi sa Marawi.

Ayon kay President and Chief Operating Officer Ramon S. Ang, idadaan nila ang tulong sa Armed Forces of the Philippines na maggagawad ng kabuhayan sa mga naulila ng mga sundalo.

Aabot sa 2 mil­yong piso ang ibabahagi ng SMC sa pamamagitan ng start-up business opportunities.

Ang pagtulong sa pamilya ng mga sundalong namatay sa bakbakan ang nakikita niyang isa sa magandang paraan upang matulu­ngan ang mga naulila na makabangon at ipagpatuloy ang pamumuhay sa kabila ng pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay.

Sana ay marami pang mga stakeholders ang mataas ang tingin sa ating mga bayaning sundalo na nag-alay ng buhay para sa kapayapaan sa bansa kahit na ang kapalit pa nito na masakripisyo at maiwan nila ang kanilang sariling pamilya.

Sana marami pa ang tumulong sa mga ulila ng mga sundalo upang makapag-aral pa rin sila at malagpasan ang hamon ng buhay.

Andrew R. Aranas
Tanay Rizal

***

Dear Sir:

Kasabay nang pagbabago ng panahon ang mabilis na pagbabago ng teknolohiya.

Ang mga balita ay mabilis na rin nakakarating sa mga tao lalo na sa pamagitan ng social media. Kaakibat nito maraming positibo at negatibong epekto.

Madali ng magpalaganap ng balita gamit lang ang mga smartphones. Ang mga netizens at media ngayon ay halos wala nang kunsiderasyon sa mga posibleng mangyari.

Gaya na lamang ng maling pagpapakalat ng impormasyon. Hindi dapat basta na lamang mag-post sa social media lalo na kung walang kredibilidad.

Halintulad na lamang ng mga balitang kumakalat na 1200 umano ang ISIS na nasa bansa, walang ebidensya ngunit mabilis kumalat.

Bumubuo lamang ito ng takot at pangamba sa mga tao bagay na gustung-gusto naman ng mga terorista. Kaya sana maging responsableng netizen ang lahat.

Dana Del Rosario
Camarines Norte



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments