Langis, bawas-presyo; dagdag-buwis sa de lata, hotdog, pinaplano

0
76



Muling magtatapyas ang oil companies sa presyo ng mga produktong petrolyo. May isang kumpanyang nagpatupad na ng bawas-presyo ngayong Lunes. Karamihan naman, bukas sisimulan ang rollback.

OIL PRICE ROLLBACK:
Gasolina – P0.70/litro
Diesel – P0.10/litro
Kerosene – P0.15/litro

Dagdag-buwis, isinusulong maipataw sa de latang karne, hotdog, tocino

Pagkatapos naman ng panukalang dagdag-buwis sa matatamis na inumin at maaalat na processed food, may panukala rin sa Kamara na dagdagan ang buwis sa mga produktong may artificial ‘trans fat’. Ang ‘trans fat’ ay isang uri ng taba na masama sa kalusugan.

Sa panukala ni Masbate Rep. Scott Davies Lanete, papatawan ng dagdag buwis na P5 ang lata o pakete ng mga processed food na may trans fat, kabilang na ang mga karneng de lata tulad ng corned beef, meat loaf, gayundin ang hotdogs at cold cuts.

Pero hindi pa pormal na naisasalang sa pagdinig ang panukala ni Lanete. Tatanggapin na rin ang mga suhestiyon. Layon lang naman daw ng kaniyang panukalang batas na maiwasan ang dumaraming kaso ng stroke dulot ng mga tinawag niyang di masustansiyang pagkain.

Hirit naman ng Chamber of Food Manufacturers, pag-aralang maigi ang panukalang batas pati na iyong dagdag-buwis sa ‘salty processed food’. Sakaling maisabatas kasi, ang isang pakete ng noodles na kasalukuyang nasa P10.50 ang presyo, magiging tumataginting na P613 na ang presyo kung ibabatay sa kwentang ‘P1/milligram in excess of 1/3 of the dietary requirement’ o piso sa kada sukat na sosobra sa itinakdang sapat para sa araw-araw na kailangang nutrisyon ng katawan.

Kung gagawin namang P0.10 kada milligram ang excise tax, ang regular na de latang may 490 milligram na sodium o asin, tataas nang hanggang P49 ang presyo.

Punto ng grupong Laban Konsyumer, sino pa ang bibili ng instant noodles o de lata kung daang piso na ang presyo nito? Dapat ding silipin daw muna ang dati nang batas tungkol sa pag-convert ng rock salt sa iodized salt para mas maging masustansiya sa consumers. Giit ni Laban Konsyumer President Vic Dimagiba, kaya nga ginawa ang batas para magabayan ang consumers kung ilang gramo lang ba dapat ng asin ang nasasama sa pagkain kada araw.

Ayon pa rin kay Dimagiba, kapag lumobo nang husto ang presyo ng mga nabanggit na bilihin, posibleng magdulot din ito ng pagsasara ng negosyo ng manufacturers at pagkawala ng trabaho ng mga manggagawa.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments