Laban ni Digong kontra droga dapat maging laban din ng LGUs

0
110


ISA lang ang napapansin natin sa drug war ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa ilegal na droga — para siyang Kristo na mag-isang nagpapasan ng krus.

Ang lahat ay nakatanghod lang sa kanya at pinanonood kung paano niya ipatutupad ang kanyang giyera laban sa ilegal na droga.

Kapag kaaway nila ang tumumba tiyak na may papalakpak. Kapag may sablay, tiyak na mayroong uupak.

Ibig sabihin, parang hindi tumatagos ang drug war sa local government units. Tanging Philippine National Police (PNP) lang ang nagpapatupad ng laban, wala pang tulong ang local government.

Sa pahayag kahapon ni Manila Mayor Erap Estrada, nagbabala siya na tatrabahuin niya ang listahan na hawak ng Manila Police District (MPD) na mga barangay officials ang sabit sa droga.

Siya ang masasabi nating unang LGU na magiging kabalikat ni Pangulong Digong para linisin ang kanilang hanay.

Nitong nakaraang Biyernes ng gabi, isang barangay chairman sa Malate, Maynila ang itinumba habang nanonood ng telebisyon sa kanyang bahay.

Sa rekord ng pulisya, si Barangay 751 Chairman, Angelito Sarmiento ay nasa drug watchlist ng pulisya at isa sa mga nagsumite ng kanyang sa sarili sa proseso ng Tokhang.

Sa ilaim ng Tokhang system, ang mga hinihinalang drug user o pusher ay iimbitahan ng pulis-ya at doon ay pipirma sa isang kasulatan na siya ay magbabagong-buhay.

Hindi nakasaad sa kanilang nilagdaang kasunduan kung ano ang mangyayari sa kanila kung hindi sila tuluyang magbabagong-buhay.

Ayon sa PNP, ilan sa mga sangkot sa drug watchlist ay napapaslang dahil nanlaban sa mga pulis na aaresto sa kanila.

Ang iba naman ay biktima ng riding in tandem na pinaniniwalaang ginagawa ng mga sindikatong natatakot maituro ng mga naisasama sa Oplan Tokhang.

Batay sa nakuhang listahan ng Manila city government, mayroong 20 barangay officials ang nasa drug watchlist.

At ‘yan daw ang planong trabahuin ni Erap.

Maraming option ang mga nasa drug watchlist ng Maynila. Una magbagong-buhay at magpa-rehab para tuluyang makalayo sa masamang bisyo ng droga. Ikalawa, magtago o mangibang lugar para hindi ma-tokhang. At ikatlo, magbakasyon nang tuluyan, 6 feet below the ground.

‘Yan lang ang pamimilian ng mga nasa drug watchlist na nasa Maynila.

Isang malaking hakbang ‘yan para gumaan naman ang pasanin sa balikat ni Pangulong Digong at PNP chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa.

FOOD POISONING
SA BILIBID
IMBESTIGAHAN!

093016-nbp-bilibid

Alam ba ninyong ang budget para sa pagkain ng mga preso ay umaabot sa P2.239 milyones kada araw o P800 milyones sa loob ng isang taon?!

‘Yan po ay ‘yung mga bilangguan na nasa ilalim ng Bureau of Corrections (BuCor) kabilang ang National Bilibid Prison (NBP).

‘Yang budget na ‘yan ay napupunta sa catering services na nanalo sa isinagawang bidding-bidingan ‘este bidding.

Kaya naman nakapagtataka na nabibigyan pa ng panis na pagkain ang mga preso?!

Masyado nang hidhid sa kuwarta ‘yang mga catering services na ‘yan kung panis na pagkain pa ang ipinapakain sa mga preso.

Sonabagan!!!

Kung nagiba man ang sindikato ng droga sa Bilibid, hindi ang ‘sindikato’ sa food & meal allowance ng mga preso.

Open secret sa lahat, na para makuha ang kontrata ng catering services sa Bilibid e kailangan nilang maghatag ng ‘goodwill money at payola.’

Kalakaran ‘yan!

At ‘yan ang dapat busisiin ni BuCor Director General Benjamin Delos Santos.

Aba, hindi na pala kailangan maipasa ang death penalty — pakainin na lang ng panis na pagkain, todas agad lahat ang mga preso sa maximum, medium, at minimum security compounds.

Kuwidaw, riot ang kasunod niyan!

ATTENTION CAAP

SIR Jerry, kabago-bago ng Puerto Prinsesa Int’l Airport pero bulok ang sistema. Sobrang haba ng pila sa bayaran ng terminal fee dahil isang tao lang sa counter ang kumukuha ng bayad. Wala na bang tauhan ang CAAP na mailagay riyan?

+63915707 – – – –

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit http://www.hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments