‘La Luna Sangre’: Goodbye, Miyo; welcome back, Malia

0
92



MANILA — Mahigit dalawang buwan naging bahagi ng “La Luna Sangre” si Miyo, ang alter-ego ng bidang si Malia na ginagampanan ni Kathryn Bernardo. 

Marami ang humanga at nanibago sa transformation na pinagdaanan ni Malia. Mula sa pagiging mayumi, napilitan siyang maging brusko at palaban. Lahat nang ito’y ginawa niya upang ihanda ang sarili sa muli nilang paghaharap ng mortal niyang kalaban, si Supremo (Richard Gutierrez). 

Sa dalawang buwang pagiging Miyo ni Malia, marami siyang natuklasan sa mundong ginagalawan ng mga bampira’t tao. Pero higit pa riyan, marami siyang naging bagong kaibigan at kasangga na hirap siyang iwanan. 

Pero hindi habambuhay na puwedeng ikubli ni Malia ang kanyang tunay na katauhan. Kaya naman matapos pagbabarilin si Miyo ng mga nasanibang pulis, unti-unting naghilom ang kanyang mga sugat at muli siyang nagbalik sa kanyang orihinal na anyo bilang Malia. 

Ngayong Miyerkoles ng gabi, matapos magbalik-Malia, umuwi na rin siya sa piling ng mga taong kumupkop sa kanya mula nang siya’y maulila. Isang mahigpit na yakap ang salubong sa kanya ng kanyang Tatay Baristo (Joross Gamboa), na ilang buwan ding nag-alala sa kaligtasan niya. 

Matatamis na ngiti at walang katumbas na ligaya naman ang dala ni Malia sa mga iba pang natitirang miyembro ng mabubuting lobo’t bampira, katulad nina Verusca (Ina Raymundo), Catleya (Sue Ramirez) at Jake (Tony Labrusca). 

Samantala, kakaibang tuwa rin ang naramdaman ng mga netizen na talagang inabangan ang muling pagbabalik ni Malia. 

Tutukan ang mga susunod na episode ng “La Luna Sangre” tuwing Lunes hanggang Biyernes ng gabi, pagkatapos ng “Ang Probinsyano.” 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.





All Credit Goes There : Source link

Comments

comments