KUMPIRMADONG SA ISIS ANG MARAWI TAKEOVER

0
99


ISA pang kumpirmasyon na gawa ng Islamic State of Iraq and Syria ang pinagmulan ng giyera sa Marawi City ang lumutang.

Ito ang pinalabas na pahayag ng ISIS ukol sa pagsakop ng Maute-Abu Sayyaf Groups sa Marawi City, kasama ang pambobomba at pamamaril sa bansang Iran ng mga taga-Isis.

Ayon ISIS spokesman na si Aboulhassan al-Mouhajer, binabati niya ang mga ISIS sa Marawi at Iran sa kanilang pagpapalaganap ng caliphate sa nasabing mga lugar at bansa.

Idinaan ito sa social network.

BIRA PA

Nilalaman din ng pahayag ng ISIS ang pagpapaigting ng kanilang mga operasyon o atake sa mga bansa sa Europe, America, Australia, Russia, Libya, Egypt, Yemen, Tunisia and Algeria.

At maganda para sa kanila na gawin nila ang lahat ng ito sa buwan ng Ramadan ngayon.

Ang tawag sa mga nagpapakalat ng terorismo ay “caliphate soldiers” o mga mandirigma na nagsusulong kanilang pagtatayo ng kanilang kapangyarihan at gobyerno sa iba’t ibang bansa.

Sa parteng Asya na kinapapalooban ng mahal kong Pinas, ang Pinas, Malaysia at Indonesia ang pagtatayuan ng caliphate ng ISIS.

MINARKAHAN

Habang nakapapasok ang mga sundalo at pulis sa kaloob-loban ng Marawi, natatagpuan nilang markado ng ISIS ang mga pader ng mga bahay.

At noong una nga, nagtanim pa ng mga bandilang ISIS ang mga ito.

Pinagtatanggal na lang ang mga itinirik na bandila upang makaiwas ang mga ISIS sa mata ng mga sundalo na lumulusob.

PINAKA-EBIDENSYA

Pinakamakatotohanan na ebidensya ng ISIS sa Pinas ang nakumpiskang video ng miting ng Maute at Abu Sayyaf Group ukol sa pagsakop nila sa Marawi at posibleng paglawak ng kanilang pagsakop sa ibang mga lugar gaya ng Iligan at iba pang bayan sa paligid ng Marawi City.

Kung wala ang video, marahil ay nanatiling nasa balag ng alanganin ang labang inilulunsad ng pamahalaan sa lugar.

Nasa balag ng alanganin dahil hindi matukoy ang tunay at pinakaepektibong aksyon laban sa mga terorista.

Ngayong nalantad ang lahat, ang pinakamatinding giyera ang kinailangan dahil nasa lugar ang pinaka-pinuno ng ISIS sa Pilipinas na si Isnilon Hapilon.

MARTIAL LAW

Martial law ang kinailangan upang maibuhos ng pamahalaan ang lahat ng puwersa nito upang madurog mismo ang puno ng terorismo at mapigilan ang paglagablab ng ISIS sa iba pang bahagi ng Mindanao.

Alalahaning nakakalat ang mga puwersang Maute Group at Abu Sayyaf Group sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao hanggang sa mga isla ng Basilan at Sulu.

Ang ASG nga ay nakaaabot sa Bohol at Palawan at sa ilang pagkakataon ay sa Metro Manila.

Ang pambobomba sa Super Ferry 16 bukan ng Manila Bay na ikinamatay ng nasa 116 katao ay patunay ng lawak ng inaabot na puwersa ng terorismo.

KORTE SUPREMA

Ngayon ay may petisyon o kahilingan ang tatlong grupo.

Sinasabing pangunahin ng mga politikong kontrapelo kay Pangulong Digong na walang sapat at tunay na batayan ang huli sa pagdedeklara ng Martial law sa Mindanao, kahit pasa Marawi City lamang.

Hindi rin umano kailangan ng mga kontrapelo na pumunta sa Mindanao o Marawi upang kumuha ebidensya para patunayang walang aktuwal na dahilan gaya ng rebelyon para ideklara ang Martial law.

At kung terorismo man ang dahilan, lalong hindi katanggap-tanggap itong batayan ng Martial law dahil hindi umano ito isa sa mga batayan ng pagpapairal ng Martial law.

Isa pa, may kapangyarihan naman umano ang Pangulo na mag-utos sa mga militar at pulis na giyerahin ang mga terorista na ang talagang layunin lang umano ay protektahan si Isnilon Hapilon na pinuno ng ISIS sa Pinas at sa buong Southeast Asia.

MAG-ESEP-ESEP

Hayaan nating mag-esep-esep ang mga Hukom sa Supreme Court.

Kung sa akala nila ay magaan ang kamatayan ng halos 300 katao na sa Marawi at sa paligid nito dahil sa terorismo con rebelyon, bahala sila kung sisibakin nila ang Martial law.

Kung maiisipan naman nilang hindi biro-biro ang giyera sa Marawi City at may patunay na lalagablab ito sa ibang parte ng Mindanao kung hindi ito napigilan, aba, dapat silang pasalamatan.

Para sa atin kasi, napag-iiwanan kung minsan ang batas at hindi na tumutugma sa panahon.

Halimbawa rito ang terorismo na mas mabangis pa kaysa sa inilulunsad na giyera ng mga rebeldeng komunista at mga Muslim brother mula sa Moro National Liberation Front at Moro Islamic Liberation Front.

oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

loading…



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments