Kongresolo?

17


Hirit Na! by Arnold Clavio

Maari bang bumoto­ nang hiwalay ang da­lawang kapulungan ng Kongreso sa isang napakahalagang isyu?

Maaari bang i-etsapuwera ng mga Kongresista ang mga senador pagdating sa pagboto?

Ano nga naman ang laban ng 22 miyembro ng Senado sa kasalukuyan (si Sen. Alan Peter Cayetano ay itinalaga bilang kalihim ng DFA samantalang nakakulong naman si Sen. Leila de Lima kaugnay ng kasong may kaugnayan­ sa droga) sa mahigit dalawandaang miyembro ng Kamara?

Dapat malaman kung ano ba ang intensyon ng mga nagbalangkas ng ating Saligang Batas kaugnay ng pagboto ng mga miyembro ng Kongreso kaugnay ng pag-amyen­da ng Saligang Batas.

Itinuturing na co-equal o magkapantay ang dalawang sa­ngay ng Kongreso at marapat lamang na sila ay magrespetuhan.

Sinasaad sa Article XVII section 1 ng 1987 Constitution ang mga paraan para masusu­gan ang Saligang Batas:

1. Ang Kongreso sa botong three-fourths ng lahat ng kaniyang miyembro
2. Constitutional convention

Isinulat ang natu­rang probisyon na ang nasa isip ng mga fra­mers ng Konstitusyon ang bicameral na lupon at ‘di iisa lamang.

Kung kaya’t sa paniwala ko ay hindi maaa­ring isantabi na lamang ng mga kongresista ang karapatan ng 22 senador sa usapin ng charter change.

Pero may isang probisyon sa Saligang Batas na hindi na nanga­ngailangan ng desisyon ng Kongreso – ang people’s initiative o ang pa­ngangalap ng lagda ng mamamayang Filipino­ para maisulong ang isang adhikain.

Sa panahon ngayon ay ang pagpalit mula sa demokratikong sistema patungo sa pederalismo.

Pero ang pagkilos na ito ay dati nang tinangka noong panahon ni dating pangulo at ngayon ay congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo.

Sinasabi ng kampo ni GMA na nakakuha raw sila ng 3 porsyento ng mga botante bawat distrito na ‘di naman napagtibay.

Ang paglagda sa isang dokumento, para himukin si Pangulong Duterte na mag-deklara ng Revolutio­nary Government para mapabilis ang pagsusog sa Saligang Batas, ay maituturing na pang-aabuso sa kamangma­ngan at kahirapan ng mamamayang Filipino.

Papipirmahin ka pero hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na pagpapaliwanag ano ang magiging pakinabang ng taumbayan sa pagpapalit ng sistema ng gobyerno.

Iisa lamang ang tiyak, ang manatili sila sa kapangyarihan nang higit sa itinakdang panahon ng Saligang Batas na anim na taon lamang.

At ‘yan ang matin­ding hamon kay Pangulong Duterte. Anuman ang porma ng gobyerno, pederalismo man ‘yan o hindi, kung ang mga mamumuno at gagawa ng mga polisiya ay sila’t sila pa rin hindi ito magtatagumpay.

Kung sa kasaluku­yang sistema ay palpak na ang ating mga itinuturing na lider, anong garantiya na makakayanan nila ito sa isang bago at ‘di pa napapatunayan na epektibong sistema?

Kung aakto lamang talaga sila bilang mga totoong lingkod bayan at hindi para magpayaman sa puwesto, naniniwala akong magi­ging maunlad ang bansang ito sa lalong madaling panahon.

The post Kongresolo? appeared first on .



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments