KONGRESO SASAWSAW SA CASINO – Remate

0
51


BALAK ng ilang kongresista na mailipat sa House of Representatives ang kapangyarihan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation na mag-isyu ng lisensya sa mga casino.

Ibinunyag ito ni Majority Leader Rodolfo Fariñas sa isinagawang pagsisiyasat ng House joint committee sa pagwawala ni Jessie Javier Carlos sa Resorts World Manila noong Hunyo 2.

Si Carlos ay nagpaputok ng assault rifle sa kisame at sinilaban ang mga mesa ng sugalan bago sunugin ang sarili sa loob ng isa sa mga silid dito. Dati siyang tax specialist ng Department of Finance na sinibak sa trabaho at nabaon sa utang bunga ng pagkalulong sa sugal.

Kabilang sa 37 biktimang hindi nakahinga sa kapal ng usok at nasawi ang maybahay ni Pampanga 3rd District Rep. Aurelio Gonzales, Jr.

Ipinaliwanag ni Fariñas na ang sugal ay ipinagbabawal sa bansa. Pero sa isang presidential decree ay ibinigay sa Pagcor ang natatanging kapangyarihan na magbigay ng awtorisasyon, lisensya at pangangasiwa sa pagsusugal. Hindi raw ito dapat pinapayagan at Kongreso lang ang nararapat na makapagbigay ng prangkisa.

Pormal na naibigay ang naturang kapangyarihan sa Pagcor bunga ng PD 1869 na balak kanselahin nina Fariñas.

Pag-aaralan din umano ng mga mambabatas upang maamyendahan ang Republic Act 9487 na nilagdaan noong 2007 sa panahon ng gobyernong Arroyo na nagpalawig ng 25 taon sa prangkisa ng Pagcor at nagbigay rito ng awtoridad na magpatakbo at magbigay ng lisensya sa mga casino.

Aminado naman si Pagcor Chairperson Andrea Domingo na nabigo ang RWM na tumugon sa kanilang advisory sa mga inisyuhan ng lisensya na palakasin ang seguridad at sumunod sa mga ordinansa kaugnay ng curfews na ipinatutupad sa lungsod kung saan sila nakapuwesto.

Lumabas sa pagsisiyasat ng Philippine National Police-Supervisory Office for Security and Investigation Agencies ang mga bulilyaso na nagawa umano ng NC Lanting Security Specialists Agency na humawak ng seguridad ng RWM.

Kung hindi sa kanilang kapabayaan ay hindi makapasok si Carlos sa gusali at marahil ay ibinuhos na lang nito ang kanyang galit at pagwawala sa labas o sa ibang lugar.

Dahil palpak ang RWM ay nag-init tuloy ang mga mata ng mga kongresista sa lahat ng casino at balak tapyasin ang kapangyarihan ng Pagcor.

Pero sa pananaw ng iba ay “ginintuang oportunidad” na rin umano itong maituturing para sa mga kongresistang tulad ni Fariñas na mamantikaan ang kanilang mga labi ng langis na nagmumula sa casino.

* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.

loading…



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments