KAYA NATIN: Trabaho ang solusyon sa traffic

0
78







Dalawang malaking isyu ­patungkol sa traffic ang pinag-uusapan ngayon. Unang-una, nandiyan ang panukala ng Land Transportation Office o LTO na i-phase out na ang mga jeep na mahigit 20 taon na ang edad. Umalma ang libu-libong mga may-ari ng jeep dahil kapag nangyari raw ito ay mawawalan sila ng kabuhayan dahil hindi nila kayang bumili ng bagong mga pampasaherong jeep na nagkakahalaga ng mahigit P1 milyon bawat isa. Ayon sa LTO, nagiging sanhi na kasi ng mga aksidente ang mga matatanda nang mga jeep dahil madali na itong nasisira at nagdadala pa raw ito ng maduming usok sa ating kapaligiran.

Maganda naman ang hangarin ng LTO pero dapat ay magkaroon talaga ng maayos na programa ang ating pamahalaan para masiguro na makakabili pa rin ang mga may-ari ng jeep ng pamalit sa mga natatanggal nilang mga jeep sa lansangan. Baka puwedeng maglagak ng pondo ang ating pamahalaan para mapautang ang mga maaapektuhan ng panukalang ito.

Isa pang kontrobersyal na panukala ay ang ipinapatupad nang Anti-Distracted Driving Act kung saan pinagbabawal na ang paglalagay ng kahit anong gamit sa dashboard ng iyong sasakyan. Marami ang umalma rito dahil pati mga rosaryo na nakasabit sa mga sasakyan ay bawal na rin daw.

Muli, maganda naman ang hangarin ng batas na ito dahil ipinagbabawal na nito ang paggamit natin ng mga cellphone habang nagmamaneho.

Marami kasing aksidente ang nangyayari sa paggamit natin ng cellphone habang tayo ay nagmamaneho pero sa tingin ko ay sobrang OA naman na pati mga rosaryo at iba pang bagay ay hindi na rin puwedeng ilagay sa dashboard ng kotse natin. Magandang pag-usapan at pag-aralan muna sana ito muli ng ating Department of Transportation para maipatupad ito nang maayos sa ating mga lansangan.

Sa totoo lang, ang malaking sanhi naman talaga ng traffic sa ating mga siyudad ay ang patuloy na pagdagsa rito ng mga kababayan natin na galing sa iba’t ibang mga probinsya. Ang dahilan nila ay kung mananatili lamang sila sa kanilang bayan ay magugutom lamang sila roon dahil wala namang oportunidad para sa maayos na trabaho roon.

Ang solusyon ay sa halip na magdagdag lamang ng mga kalsada sa ating malalaking mga siyudad ay mas mainam siguro kung gumawa ng maayos at malawak na programa ang ating pamahalaan tungkol sa paghikayat sa mga negosyante na magbukas ng kanilang negosyo sa iba’t ibang mga probinsya. Kung ganito ang mangyayari, dadami agad ang maayos na trabaho sa ating mga lalawigan at hindi na kailangang pumunta pa sa mga siyudad gaya ng Maynila ang ating mga kababayan para magkaroon ng maayos at mabuting kabuhayan.







All Credit Goes There : Source link

Comments

comments