KAYA NATIN: Paano masusugpo ang terorismo sa Mindanao?

0
186


Ibang klase rin talaga itong si Justice Secretary Vitaliano Aguirre, nahuli na nga mismo sa mga ca­mera ang kanyang mga binitiwang salita ay hindi pa rin ito umamin na nagkamali nga siya nang sabihin niyang sangkot sina Senador Bam Aquino, Antonio Trillanes at Cong. Gary Alejano sa nangyaya­ring kaguluhan sa Marawi City.

Walang basehan ang naging akusasyon ni Aguirre kaya matatawag nating fake news o pekeng balita ang kanyang pinagsasabi noong nakaraang linggo.

Kung ako si Presidente Rody Duterte, matagal ko nang sinisante itong si Aguirre pero siyempre hindi niya ito gagawin dahil si Aguirre ang kanyang pangunahing tauhan para patahimikin ang oposisyon.

Hindi ba’t si Aguirre rin ‘yung nagparada ng mga kriminal sa Kongreso para lamang idiin lamang si Senadora Leila De Lima na kilalang matinding kritiko ng administrasyon?

Marahil ito rin ang plano ni Aguirre kina Aquino, Trillanes at Alejano, ‘yun nga lang sumabog ang masamang plano nito sa mukha niya nang mahuli siyang gumagamit ng isang lumang litrato na noong 2015 pa kinuha bilang ebidensya.

Dahil sa sunud-sunod na kasinungalingang pinapalabas ni Aguirre, sigurado akong dumadami na rin ang mga Pilipino na hindi na naniniwala rito.

Paano nga ba masusugpo ang lumalalang problema sa Mindanao? Solusyon nga ba ang ginagawa ng mga militar at pulis na paghabol at pagtugis sa mga terorista?

Oo naman, kailangan talagang mahuli na kaagad at mapanagot sa ating batas ang mga walang hiyang mga ito.

Sang-ayon ako kay Duterte na dead or alive, dapat ay agad na mahuli ang mga Maute terrorists na naghasik ng lagim sa Marawi City.

Ganunpaman, mahalaga rin na agad na mabigyan ng tugon ang pangunahing dahilan kung bakit dumadami ngayon ang naglalakas-loob na sumali sa mga grupo gaya ng Maute.

Ito ay ang problema ng kahirapan at gutom lalung-lalo na sa Autonomous Region in Muslim Mindanao­ o ARMM.

Kung hindi matutugunan ang problemang ito, mas magiging madali sa mga teroristang grupo na manghikayat sa mga kababayan natin na sumali sa kanilang grupo.

Matagal nang problema ang kahirapan at gutom sa ­Mindanao kaya ngayong isang taga-Mindanao na ang ­nakaupo sa Malacañang, sana ay mabigyan na agad ito ng atensyon at solusyon.

Kung hindi ay huwag na tayong ­magulat kung mas lalo pang lalakas ang mga terorista at mga rebeldeng grupo sa ating bayan.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments