KAYA NATIN: Mga kontrobersyal na mga Marcos

0
37


Dalawang Marcos ang naging laman ng mga balita nitong nakaraang dalawang linggo. Una na rito ay si Ilocos Norte Gob. Imee Marcos na nahaharap ngayon sa kaso dahil sa hindi mapaliwanag na paglustay ng mahigit P60 milyong budget ng kanyang lalawigan.

Hanggang ngayon ay nakakulong pa rin sa Kamara ang mga tauhan ni Marcos dahil ayaw ng mga itong magsalita tungkol sa kontrobersyang ito.

Ilang beses na ring pinapatawag ng ating mga kongresista itong si Marcos pero hanggang ngayon ay ayaw pa rin nitong humarap sa imbestigasyon para ipaliwanag kung saan napunta ang napakalaking pondong ito.

Aba, hindi biru-biro ang P60 milyon ha, ilang daang kabataang Pilipino na ang makakapagtapos sa kolehiyo o ‘di kaya ay ilang daang mga pabahay na para sa mga mahihirap nating mga kababayan ang puwedeng magawa sa halagang ito.

Marami tuloy ang nagtatanong kung baka naman nagamit ang pondong ito sa ibinayad na P60 milyon din ni Bongbong Marcos para sa kanyang protesta laban kay Bise Presidente Leni Robredo?

Ano ang tingin ninyo mga kasama, may itinatago nga ba ang pamilya Marcos kaya ayaw humarap ni Gob. Imee sa imbestigasyon sa Kongreso?

Isa pang kontrobersyal na Marcos na naging laman ng mga balita ay si Supt. Marvin Marcos na ibinalik na sa serbisyo matapos ang ilang buwan na pagkakasuspinde.

Matatandaan nating si Marcos at ang kanyang mga tauhan ang siyang ­pumatay sa walang kalaban-laban at nakakulong nang si dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.

Marami ang nagsabi na kaya pinatay itong si Espinosa dahil marami itong alam tungkol sa kalakaran ng ilegal na droga sa ating bansa kung saan madadawit ang ilang matataas na opisyal sa ating kapulisan at sa ating pamahalaan.

Marami tuloy ang nagalit nang ibalik sa serbisyo ni Presidente Rody Duterte itong si Marcos dahil parang ang mensahe nito ay ayos lang na pumatay ang isang pulis ng kahit sino dahil bibigyan naman ito ng proteksyon ng ating Presidente.

Mismong mga kaalyado ni Duterte na mga senador ay binatikos ang desisyong ito at mukhang magpapatawag muli ng pagdinig sa Senado tungkol sa isyung ito.

Sa nangyayaring ito, mapapatanong tuloy tayo kung ito na nga ba ang pagbabago at reporma na gusto natin sa ating bansa.

Ano sa tingin ninyo rito mga kasama? Pagbabago nga ba talaga na ibalik sa serbisyo ang isang pulis na walang awang pumatay sa isang bilanggong walang kalaban-laban?



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments