KAYA NATIN: Malaking hamon kay Duterte

0
74


Masaya ang taumbayan nang magpakita na muli sa publiko si Pa­ngulong Rodrigo Duterte pagkalipas ng limang araw na pamamahi­nga.

Iba’t ibang mga espekulasyon ang lumabas tungkol sa kanyang tunay na kalagayan. May ilan pa nga na nagsabi na hindi na talaga ito nakakaba­ngon kaya baka hindi na siya tumagal kaya marami tuloy sa atin ang mga nag-alala.

Sa totoo lang, karapatan talaga natin bilang mga mamamayan na malaman kung ano nga ba ang tunay na estado ng kalusugan ng ating Pangulo.

Siya ang ating hinalal na pinuno ng ating bansa kaya dapat ay hindi niya rin itago sa taumbayan kung may matinding karamdaman ito na makakaapekto sa kanyang responsibilidad sa ating bansa.

Habang nagpapahinga ang ating Pangulo noong nakaraang linggo, tuloy pa rin ang nangyayaring bakbakan sa Marawi City.

Mag-iisang buwan na ang nangyayaring bakbakan doon at ilang libong pamilya na ang lumikas mula sa Marawi pa­punta sa mga kalapit bayan gaya ng Iligan at Cagayan de Oro.

Nakakalungkot din ang mga balita na may mahigit sa 50 nang mga bakwit na namatay dahil sa samu’t saring mga karamdaman dulot na rin ng hindi magandang kondisyon sa loob ng ating mga evacuation centers.

Malaking hamon ngayon ito sa admi­nistrasyong Duterte kung paano nito malalagay sa ayos ang kalagayan ng libu-libo nating mga kababayan na nakatira nga­yon sa mga evacuation centers.

Hindi nga sila namatay ­dahil sa terorismo at giyera pero ang mas nakakalungkot ay namamatay naman sila sa loob mismo ng mga evacuation centers na pinapatakbo ng DSWD.

Isa pang magiging malaking hamon na kailangan nang paghandaan ngayon pa lamang ni Duterte at ng ating pamahalaan ay ang muling pagbabalik sa ayos ng Marawi City.

Sigurado akong matatapos ang giyera roon sa lalong madaling panahon dahil ginagawa naman lahat ng ating militar ang kanilang kaya para masugpo na ang mga terorista pero tandaan natin na napaka­laking pinsala na ang naidulot ng giyerang ito sa lungsod ng Marawi.

Ilang mga daan, bahay, gusali, paaralan at ­ospital ang nasira na dahil sa pagbomba ng magkabilang panig. Kumbaga anong klaseng lungsod ang babalikan ng ating mga kababayan doon?

Ano ang plano ng gobyerno para maibalik sa normal ang pamumuhay ng ating mga kababayan doon?

Ito ang mga malalaking hamon para sa ating pamahalaan. Umaasa­ tayo na magiging maganda ang kanilang tugon alang-alang na rin sa ating mga kapwa Pilipino na taga-Marawi.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments