KAYA NATIN: Magandang senyales –

0
33


Nitong nakaraang Lunes ay personal na nakipagkita at nakipag-usap si Presidente Rody Duterte sa mga magulang nang pinatay na binatang si Kian delos Santos.

Inimbitahan ni presidente ang tatay at nanay ni Kian para makausap at doon ay pinangako ni Duterte na mananagot ang mga pulis na pumatay sa kanilang anak.

Alam naman nating lahat na magmula nang mabalitaan ang nangya­ring karumal-dumal na pagpatay kay Kian ay nagpakita ang taumbayan ng kanilang galit sa nangyayaring tuluy-tuloy na patayan sa ating bansa.

Nagulat ang lahat nang biglang kumabig si Duterte sa kanyang mga salita at sinabing kanyang pananagutin sa batas ang mga tiwaling pulis na mapapatunayang umaabuso sa kanilang pwesto gaya ng mga pulis na pumatay kay Kian.

Nakakagulat ito dahil dati-rati ay si Duterte mismo ang nagsasabi na ayos lang pumatay ang ating kapulisan dahil bibigyan naman daw niya ito ng proteksyon at nakita nga natin ito nang i-promote pa niya si Supt. Marvin Marcos na siyang nanguna sa pagpatay kay dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa kahit na ito ay nasa kulungan niya.

Marahil ay naramdaman ni Duterte ang galit ng taumbayan kaya bigla itong nagbago ng kanyang pananalita.

Magandang senyales ito na handang makinig ang ating pangulo sa sentimyento at damdamin ng mga mamamayan.

May ilang mga nainis sa pamilya Delos Santos nang lumabas ang balita na nakipagkita sila kay Duterte sa Malacañang.

Ayon sa ilang mga opinyon, bakit pa nakipagkita ang mga magulang ni Kian kay Duterte eh alam naman nating lahat na naging biktima si Kian ng tinatawag nating ‘war on drugs’ na pinamumunuan mismo ni Duterte.

Lumalabas tuloy na parang ayos lang sa magulang ni Kian ang nangyari sa kanilang anak.

Pero sa totoo lang, tama na rin na pinaunlakan ng magulang ni Kian ang imbitasyon ni Duterte dahil mas magandang kakampi mo na rin ang pangulo sa paghahanap ng hustisya para sa kanilang pinatay na anak.

Ngayon alam na ng mga loko-lokong mga miyembro ng ating kapulisan na kapag sila ay gumawa ng hindi maganda, siguradong papanagutin sila sa batas.

Patuloy nating ipagdasal ang pamilya Delos Santos na sana ay agad nang makulong ang mga pumatay kay Kian at makamit na nga nila ang hustisyang hinahanap nila.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments