KASAMAAN NA DULOT NG SUGAL

0
75


SI Jesse Javier Carlos ay isang tax specialist ng Department of Finance (DOF) na sinibak sa serbisyo ng Office of the Ombudsman noong 2012.

Ito’y bunga ng kabiguan umano niya na ideklara ang bahay at lote sa Tondo, Maynila sa statements of assets, liabilities and net worth (SALN) mula 2003 – 2006.

Natuklasan din ng Ombudsman ang dalawang sakahan na binili ni Carlos sa halagang P4 milyon samantalang ang kabuuan ng kanyang kinita mula 2001 – 2011 ay P2.4-milyon lamang.

Bukod dito, nabigo rin si Carlos na ideklara sa 2010 SALN ang negosyo ng kanyang asawa sa Armset Trading.

Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang desisyon na i-dismiss si Carlos noong 2015 dahil hindi raw siya naging tapat. Kinansela rin ng CA ang kanyang eligibility, inalis ang benepisyo sa pagreretiro at ginawaran ng habambuhay na pagbabawal na makapagtrabaho muli sa gobyerno.

Hindi inasahan ni Carlos na ang simpleng pagtatangka na mautakan ang gobyerno ay hahantong sa gusot na kanyang pinasok.

Idagdag pa rito ang katotohanang adik siya sa sugal sa casino kaya may P4 milyon utang. Dahil sa hiling ng kanyang asawa, si Carlos ay na-ban sa lahat ng casino na pinatatakbo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) mula Marso 27, 2017 – Marso 26, 2018.

Dahil din sa pagkakautang ay nagkaproblema ang relasyon ni Carlos sa asawa at magulang. Naibenta tuloy niya ang kanyang sports utility vehicle at real estate property sa lalawigan.

Posibleng naburyong si Carlos bunga ng pressure, lalo na nang mapabilang sa mga manunugal sa casino na pinagbawalan ng Pagcor.

Maaaring nagatungan nito ang kanyang galit kaya sinalakay niya ang Resorts World Manila (RWM) noong Hunyo 2 kung saan niya sinilaban ang mga mesa ng sugalan at nagpaputok ng baril sa kisame, bago umano sunugin ang sarili sa loob ng isang silid dito.

Nasawi rin ang 37 panauhin at empleyado ng casino na hindi nakahinga bunga ng usok.

Si Carlos ay isang lalaki na nawalan ng trabaho sa gobyerno at nawasak ang pamilya bunga ng pagkakalulong sa sugal. Iyan ang kanyang personal na isyu na ikinabagsak.

Pero ang RWM ay may sariling isyu na dapat ayusin.

Paano nakalusot sa kanilang seguridad ang isang lalaki na nakasuot ng panggiyera at armado ng assault rifle?

Bakit hindi umandar ang kanilang sprinkler system? Wala bang sapat na exit na pwedeng maraanan ang mga panauhin?

Alalahaning maaaring mapigilan o makontrol ang lahat ng ito ang naganap na trahedya.

* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.

loading…



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments