Kapamilya stars, tampok sa pagbubukas ng ASEAN inter-parliamentary assembly

0
57



Tampok ang mga Kapamilya stars sa pagbubukas ng ika-38 na pagpupulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Inter-Parliamentary Assembly (AIPA), Sabado.

Unang sumabak sa entablado ang mga batang mang-aawit mula sa The Voice Kids at “Tawag ng Tanghalan Kids” ng It’s Showtime, na kumanta ng AIPA Hymn.

Tampok ang mga katutubong disenyo sa kasuotan nina Sarah Geronimo, Elmo Magalona, James Reid, Sam Concepcion, Kim Chiu, at Jessy Mendiola habang kumakanta at sumasayaw sa mga awit ng yumaong rapper na si Francis Magalona.

Kabilang sa medley ang mga kantang “Mga Kababayan Ko,” “Nais Ko” at “Ito Ang Gusto Ko.”

Si soul diva Jaya, hurado sa “Tawag ng Tanghalan,” hinele ang mga manonood sa pagkanta ng “Sa Ugoy ng Duyan.”

Inangkin ni Gary Valenciano ang entablado sa kaniyang pag-awit ng “Anak” ni Freddie Aguilar.

Pinabilib ni Mr. Pure Energy ang madla nang kantahin ang ilang bahagi ng “Anak” sa apat na wika: Filipino, Ingles, Espanyol at Nippongo.

Ang 10 anyos na si Esang De Torres, dating kalahok sa The Voice Kids Season 2, kinanta ang “I Am But A Small Voice” ni Roger Whittaker.

Sunod na sumalang ang grupong 4th Impact, na sumikat nang lumahok sila sa X Factor UK noong 2015, at ang biriterang si Jonalyn Viray. Kinanta nila ang mga awiting “Paraiso” at “Better World” ng grupong Smokey Mountain.

Sinundan ito ng pag-awit ni Jed Madela ng “Heal the World” ni Michael Jackson.

Sa gitna ng pag-awit ni Madela, naghandog ng maikling talumpati tungkol sa kapayapaan sina Anne Curtis at Coco Martin.

Natapos ang pagtatanghal nang paakyatin sa entablado sina House Speaker Pantaleon Alvarez, Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III at ilang mambabatas mula sa mga bansang ASEAN para samahan ang Kapamilya stars na muling awitin ang “Heal the World.”

Idinaos ang opening ceremonies ng AIPA sa Makati Shangri-la Hotel.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments