KAPABAYAAN – Remate

0
99


HINDI maitatanggi na ang dahilan ng trahedya na sinapit ng Resorts World Manila noong Hunyo 2, 2017 na kumitil sa buhay ng 37 nilang kostumer at empleyado ay si Jesse Javier Carlos.

Ang buhay ni Carlos ay nawasak bunga ng pagkakalulong niya sa sugal. Nawalan siya ng trabaho bilang tax specialist ng Department of Finance, may utang na P4-milyon, napilitang ibenta ang kanyang SUV at real estate property sa lalawigan at nagkaproblema sa relasyon nilang mag-asawa.

Na-pressure marahil bunga ng lahat ng gulo na pinasok, ibinuhos ni Carlos ang kanyang galit sa RWM kung saan niya sinilaban ang mga mesa ng sugalan at pinaputukan ng baril ang kisame bago nagpatiwakal.

Pero ang lahat ng ito ay maaaring naiwasan kung hindi naging pabaya ang RWM na pigilan si Carlos na nakasuot ng panggiyera at armado ng assault rifle na makapasok sa kanilang gusali.

Sa pagsisiyasat ng Philippine National Police-Supervisory Office for Security and Investigation Agencies ay nabunyag ang mga bulilyaso na nagawa umano ng NC Lanting Security Specialists Agency na humawak ng seguridad ng RWM.

Isang hindi armadong babaeng security guard ang nakaposte sa pasukan kung saan hindi bababa sa isang pares ng babae at lalaking guwardiya ang dapat nakabantay, dahil may kostumer na ayaw magpakapkap sa iba ang kasarian. Hiniling din ng guwardya na dumaan si Carlos sa metal detector pero natakot ito nang titigan siya ng lalaki.

Isang guwardiya lang ang itinalaga para maglibot sa ikalawa, ikatlo at ikaapat na palapag ng gusali.

Wala ring guwardiya na nakaposte para inspeksyunin ang mga tao na gustong gumamit ng elevator makalipas ang alas-7 ng gabi.

Sa kabila ng katotohanan na ang NC Lanting ang may hawak ng seguridad ng RWM mula 2009, maliwanag na wala silang nakahandang plano sakali ng may sumalakay.

Alalahaning ang trahedya ay naganap sa panahon na mataas ang security alert ng Metro Manila bunga ng mga ulat na baka sumalakay ang mga grupo na konektado sa Islamic State of Iraq and Syria para malihis ang atensyon ng gobyerno.

Lalabas na pabaya ang administrasyon kung mabibigo itong bigyan ng katarungan ang pagkasawi ng 37 biktima lalo na kung mapatutunayan na ang pagkamatay nila ay bunga ng kapabayaan ng RWM.

Naniniwala rin tayo na kapag sinabing gawa ng terorismo ang pananalakay ay mapapaboran pa ang RWM, dahil mapagtatakpan ang kanilang pananagutan.

* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.

loading…



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments