Kakulangan ng abogado, isa sa nag-aantala ng mga proyekto ng DPWH: Jimeno

0
30



Kakulangan ng mga abogado na mag-aaral at magdedesisyon kung paano sosolusyunan ang isyu ng right of way sa ilang proyekto ng pamahalaan ang itinuturong dahilan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mabagal na pag-usad ng mga proyekto.

“Sa ngayon isa pang balakid sa amin yung kakulangan ng tao. Sa central office, 12 lang kaming lawyers. Nahihirapan kami humanap ng tao kasi meron din mga nagreresign kasi nakakahanap sila ng mas magandang oportunidad,” ani Usec. Karen Jimeno, tagapagsalita ng DPWH, sa isang panayam sa DZMM.

Ayon kay Jimeno, nangangailangan ang kagawaran ng mas maraming tauhan matapos “i-decentralize” ang pagproproseso ng mga right of way claims upang maiwasan ang korapsyon sa bawat proyekto ng DPWH.

“Umaabot sa billion yung funds for right of way. Dati, it’s the same people approving, sa kanila lahat dadaan. Ngayon task force na siya, hindi na centralized yung power,” ani Jimeno.

Bagamat ginawa ng software-based ang “document tracking system” para mas mapabilis ang pagkuha ng right of way claims, naaantala pa rin ang ilang proyekto dahil nahihirapan ang gobyerno na idemolish ang mga bahay ng illegal settlers na tatamaan ng konstruksyon.

“Meron tayong batas na no demolition without relocation. Minsan naman sa local government, ang problema, hindi papayag yung local government na mag-cooperate sa pag-relocate, sa paglilipat ng ibang city dahil mawawalan sila ng mga botante,” sabi ni Jimeno.

“Meron namang ibang LGUs ayaw ng tumanggap ng bagong informal settlers kasi hindi rin nila alam saan ilalagay,” dagdag niya.

Ayon kay Jimeno, patuloy na ginagawan ng paraan ng DPWH ang mga isyu ng right of way upang mabilis matapos ang mga proyektong nakapila para sa “Build, Build, Build” program ng gobyerno.

Kabilang sa mga proyektong naaapektuhan ng mga isyu ng right of way ang 8-kilometron expressway na magkokonekta sa C3 sa Caloocan at Sta. Mesa sa Maynila, at isang 14.8-kilometrong Sky Way na itatayo mula Buendia, Makati hanggang Balintawak, Quezon City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments