Janella Salvador, umalis sa poder ng ina dahil sa hidwaan?

0
62


Bumukod daw muna ng tirahan si Janella Salvador dahil sa umano’y hindi nila pagkakaintindihan ng pagitan nila ng inang si Jenine Desiderio.

Sa renewal ng kaniyang kontrata sa Regal Films, hindi na nakaiwas ang 19 anyos na aktres na sagutin ang usap-usapang may hidwaan sila ng ina.

Ito’y matapos ang kontrobersiyal na pahayag ni Desiderio sa social media na nuknukan ng tigas ng ulo si Janella dahil hindi siya nagpapaalam sa mga lakad.

Sinabi ni Janella na ayaw na niyang palakihin ang isyu dahil naniniwala siyang malulutas din ito.

Ayon sa source ng “TV Patrol,” humiwalay muna ng tirahan si Janella habang hindi pa naaayos ang gusot sa kanilang mag-ina.

May mga tumutulong na rin para magkaayos ang mag-ina.

Matatandaang huling humarap ang mag-ina nang humingi ng tulong kaugnay sa isyung ilegal na pag-withdraw ng pera sa kanilang bank account.

Itinanggi naman ni Janella na ang kaniyang katambal na si Elmo Magalona ang isa sa mga tinik sa relasyon nilang mag-ina.

Patapos na ang shoot ni Janella ng pelikulang “My Fairy Tail Love Story,” na pagbibidahan nila ni Elmo.

Balak isali ang pelikula sa Metro Manila Film Festival.

Ibinahagi rin ni Janella ang hirap na dinanas sa pagganap bilang isang dalagang sinumpang maging sirena.

Isa rin si Janella sa mga inaabangan sa Star Magic Ball sa Setyembre 30.

Hindi naman magdadalawang-isip ang dalagita kung iimbitahin siya ni Elmo na maging date sa okasyon.

— Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.





All Credit Goes There : Source link

Comments

comments