ISPORT LANG!: May pagkakahawig ang kuwento

0
26


Sa nangyaring teleserye sa pagitan ng Olympian na si  Mary Joy Tabal at ng PATAFA na halos dalawang linggo ring niyakap ang mga sports pages ng mga diyaryo, nagbalik tuloy sa aking ala-ala ang kuwento ng dating  Asia’s sprint queen na si Lydia de Vega-Mercado noong dekada 80.

May pagkakahawig ang kuwento ni ‘Diay’ at Tabal.

Nagkaroon  ng kuwestiyon ang  paglahok ni Lydia sa 1982 New Delhi Asian Games matapos na alisin ng noo’y Gintong Alay director Michael Keon ang kanyang amang si Tatang (de Vega) sa coaching staff ng PATAFA.

Dahil dito, minabuti ni Lydia na huwag lumahok sa quadrennial meet kung hindi ang tatay niya ang magko-coach sa kanya.

Marami ang nanghinayang dahil malaki ang tsansa ni Lydia na manalo ng gold sa nasabing kompetisyon.

Pero, bilang disiplina sa hindi pagsunod sa regulasyon ng PATAFA, kesehodang wala siya sa line up.

Ngunit ilang araw makalipas na makaalis ang Philippine delegation, biglang ipinatawag si Lydia at Tatang sa Malacañang ng noon ay First Lady Imelda Marcos at pinabiyahe sa New Delhi.

Sa araw ng takbo ni Lydia sa 100-m dash, nakatutok ang mata ng buong Pilipinas sa TV at inaabangan kung may katuwiran ang pakikialam ng Malacañang sa Gintong Alay director na pamangkin ng dating pangulo ng bansa na si Ferdinand Marcos.

Pinakain ni Diay ng alikabok ang pambato at kinatatakutang sprinter ng India na si P.T Usha. Inulit pa niya ito sa 1986 Seoul Asiad sa clocking na 11.53  sec. sa kabila na malayo sa kanyang personal best na 11.28 na hanggang ngayon ay hindi pa nabi-break.

 Sa kaso ni Tabal, matapos na pumayag sa mga kondisyones na ibinigay sa kanya ng PATAFA, makakalahok na siya sa women’s marathon ng 20th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur sa Agosto.

Minabuti ni PATAFA president Philip Ella Juico na ilaglag ang pangalan ng Olympian na si Tabal sa line-up dahil matigas daw ang ulo nito at ayaw sumunod sa mga regulasyon ng asosasyon.

Pero ang kuwestiyon, matulad kaya ang istorya ni Tabal kay Lydia? Maibigay kaya ng 27-year-old marathoner ang inaasahan sa kanyang gold ng sambayanang Filipino?



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments