ISPORT LANG: Magkaka-problema ang Gilas?

0
40


Nito lamang Huwebes nagpulong ang PBA Board of Governors pero hindi yata natalakay ang tungkol sa Gilas Pilipinas.

Ang dahilan, hindi nakarating si Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio dahil nasa ibang bansa at may ibang inaasikaso.

Pero bago yata bumiyahe palabas ng bansa si Panlilio, tila nagpasabi ito sa PBA board na mag-schedule na lang ng special board meeting para mabusisi nang husto ang memorandum of agreement ng SBP sa PBA tungkol sa national team.

Kaya ang PBA board nagtakda ng special mee­ting sa June 5, araw ng pasukan sa buong bansa.

Tiyak na matutuon sa tinatawag na patriotism o pagiging makabayan at reponsibilidad ang ta­lakayan dahil pag-uusapan dito ang pambansang koponan na kakampanya sa international competitions.

Inaasahan rin na masusing mapag-uusapan sa meeting ang conflict sa schedule ng PBA sa mga FIBA events na sasalihan ng Gilas sa hinaharap.

Bukod pa rito ang naunang pahayag ng dalawang PBA governors na sina Alfrancis Chua ng Ginebra San Miguel at Dickie Bachmann ng Alaska Aces na sa kanilang pagkaka-alam, hanggang sa katatapos na SEABA Championships lamang ang commitment ng PBA sa national team.

Ang dalawang governors kung hindi mahihilot ni Panlilio sa itinakdang special meeting, malamang na magka-problema ang SBP sa paparating na Asia/Oceania qualifiers sa Agosto sa Lebanon.

Tandaan natin na si Chua ay isa sa mga representative ng San Miguel Group at si Bachmann naman ay ng Alaska. Kaya kung ipasya na huwag payagan si June Mar Fajardo at si Calvin Abueva ng dalawang kumpanya, tiyak na problema itong malaki ni Panlilio.

Anyway, hindi naman siguro magmamatigas sina Chua at Bachmann, maliban na lamang kung may instruction sa kani-kanilang mga bosing.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments