Isko nag-resign dahil sa kampanya kontra katiwalian ni Digong?

0
28


NAGPAALAM na sa administrasyon ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte si dating Manila vice mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kasabay ng kanyang pagbibitiw sa North Luzon Railways Corporation (Northrail) nitong Biyernes.
Personal ang tinukoy na dahilan ni Iskolokoy, ‘este, Isko sa isinumite niyang “irevocable resignation” kay Pang. Digong na nagkamaling magtalaga sa kanya sa puwesto.
Noon lamang nakaraang Hulyo naitalaga si Isko bilang chairman at CEO ng Northrail, isang taon makaraang matalo sa pagtakbong senador sa tiket nina Sens. Grace Poe at Chiz Escudero.
Isa tayo sa maraming natutuwa sa maagang pagkalas ni Isko sa administrasyon ni beloved Pres. Digong na ating sinuportahan noong 2016 presidential elections.
Ang mga mantsadong tulad ni Isko na nagawang mapasok ang administrasyon ni Pres. Digong ay makasisira lamang sa kampanya na nais ilunsad ng pamahalaan laban sa katiwalian.
Pero marami ang hindi naniniwalang personal ang rason sa napaagang pagbibitiw ni Isko at nagtatanong kung totoong siya ay nagbitiw o pinagbitiw na lang imbes mapahiya.
Wala kayang kinalaman sa anomalya ang napaagang pagbibitiw ni Isko sa Northrail?
Kung kailan kasi may mga nakaparadang infrastructure projects ang administrasyon sa ilalim ng Northrail na puwedeng pagkakitaan nang limpak-limpak ay saka naman nataon ang kanyang pagbibitiw na dapat sana ay sa 2018 pa magtatapos ang kanyang appointment.
Wala kayang kinalaman ang pagbibitiw ni Isko sa P225-billion Manila-Clark railway project na popondohan sa pamamagitan ng official development assistance ng bansang Japan?
Mahirap yatang paniwalaan na basta magbibitiw sa puwesto ang isang tulad ni Isko o ang isang tao na walang delicadeza.
Marami ang magpapasalamat kung ang pagbibitiw ni Isko ay tatanggapin ni Pang. Digong, agad-agad!
   
ANO ANG MUKHANG IHAHARAP
NI ISKO SA MGA MANILEÑO?

NABABALITA ang pagtakbo raw na alkalde ni Isko katambal si Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan sa 2019 at umano’y nasa likod ng slogan na: “Bawiin ang Maynila.”    
Sakaling matuloy, inaamin nilang sila ang mga promotor na nagpahamak sa Maynila.  
Ang problema nina Isko at Pangan, mayorya sa mga nakaupong konsuhol, ‘este, konsehal, na dati’y kasabwat nilang nagpahamak sa Maynila, ay parang mga baboy na lumipat na ng labangan kaya’t imposible na silang makabuo ng line-up.   
Sakaling may ambisyon si Bgy. Chairman Ligaya V. Santos ay puwede siyang ipasundo ni Isko sa limousine at kombinsehin na tumakbong konsehal sa line-up nila ni Pangan para lima na lang ang kanilang kakailanganing kandidato sa 5th Dist. ng Maynila.
Si Santos ang chairman ng Bgy. 659-A na may sakop sa salot na illegal terminal ng mga kolorum van at bus na kamakailan ay binuwag ni MMDA Chairman Danilo Lim.
Ang naturang illegal terminal ay magdadalawang dekada nang bumababoy sa monumento ni Gat Andres Bonifacio sa Plaza Lawton.
Hindi lang natin makompirma kung may katotohanan ang bali-balitang City Hall daw mismo ang nakiusap sa MMDA na ipabuwag na ang illegal terminal dahil may suspetsang pati si Isko ay nakikinabang sa intelihensiya.   
Kaya lang, anong mukha ang ihaharap ni Isko sa Maynila kung sukdulan ang galit sa kanya ng mga Manileño?
Noong nakaraang halalan, wala halos nakuhang boto si Isko sa Maynila kaya talo siya sa pagtakbong senador sa nakaraang halalan.
Kay Isko isinisisi ang mga nawalang pribilehiyo na dati’y tinatamasa ng mahihirap na Manileño, tulad ng libreng gamot at serbisyo sa anim na ospital ng lungsod sa ilalim ng administrasyon ni dating Manila Mayor Alfredo Lim.
Kay Isko rin isinisisi ang pagtaas ng amilyar, pati ang paglobo ng krimen at paglaganap ng ilegal na droga sa lunsod pagkatapos bumaba ni Mayor Lim sa puwesto noong 2013  
Sabi nga nila, kahit konsehal ay hindi na iboboto si Isko sa Maynila.
Katunayan, marami ang nagdarasal na harinawa ay tuluyan na raw sanang hindi makabalik sa anomang puwesto sa gobyerno si Isko, elective man o appointive.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])





All Credit Goes There : Source link

Comments

comments