IMBENTARYO NG PETROLYO, WALANG SAYSAY

21


HINDI pa [raw] dapat magtaas ang presyo ng produktong petrolyo nang dahil sa bagong buwis na ipinatupad ng gobyerno.

Ito ang punto ng Department of Energy o DOE patungkol sa magiging epekto ng bagong batas na kamakailan ay nilagdaan ni Pangulong Digong partikular na ang tinatawag na ‘excise tax’.

Magsasagawa raw ng inventory o imbentaryo ang DOE sa lahat ng kompanya ng langis sa bansa upang matukoy kung hanggang kailan pwedeng hindi ipataw ang bagong buwis.

Aba’y sa karkula nila’y hanggang Enero 15 pa mauubos ang mga langis o petrolyo sa bansa na hindi pa dapat patawan ng bagong pagtaas sa buwis. Anak ng… anong petsa na ngayon?

Sa palagay kaya ng gobyerno ay magpapatiuna pa ang mga kompanya ng langis sa pagpataw ng bagong buwis samantalang iilang araw na lang ang hinihintay nila upang ipatupad ito sa kanilang presyo?

Kukuha pa ba sila ng bato para ipukpok sa kanilang ulo para sa isyu na ito? Tila napakahina naman gumawa ng kuwenta ang DOE sa isyu na ito. O kaya naman ay wala nang magawang trabaho ang DOE kaya naisip nila ang imbentaryo.

Sa ayaw natin at sa gusto ay ipatutupad na ang bagong batas dahil ito ay isa nang ganap na batas mula nang lagdaan ito ni Pangulong Digong. Isa na itong batas maliban na lang kung kontrahin ito ng Korte Suprema.

Sa pagkakarinig ko’y mayroon nang mga tao o grupo na magdudulog nito sa Korte Suprema upang kuwestiyunin ang legalidad ng naturang batas pero habang wala pang desisyon ay tuloy ang pagpapatupad ng nasabing batas.

Palagay ko nga ay hindi na mapapansin pa ito ng Korte Suprema dahil abala silang lahat sa ‘impeachment proceedings’ ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno kung saan maraming mahistrado ang tetestigo raw laban sa kanya.

Mabuti pa’y asahan na natin na maraming mga nakabinbin sa Korte Suprema ang matutulog ng mahimbing dahil kasalukuyang inaalog pa ng Kongreso ang kanilang kagalang-galang na institusyon.

Kung ganoon, ano itong planong gawin ng DOE… ‘pa-cute’? Gagawin ito ng DOE samantalang sa nakalipas na maraming taon ay tila taga-pagsalita sila ng mga kompanya ng langis lalo na ‘pag mayroong pagtaas sa kanilang presyo. O, ‘di ba?

***
Para sa komento o suhestyon: eksperto71@gmail.com. EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.





All Credit Goes There : Source link

Comments

comments