Ilang BDO depositors, umangal na nabawasan ang pera

0
99



Magkakasunod na reklamo ng pagkawala ng pera sa ATM account ang natanggap ng BDO, isang linggo matapos ang system glitch sa isa pang bangko.

Ikinaalarma ito ng Senado na magpapatawag ng pagdinig para matiyak ang seguridad ng banking sector.

Inireklamo ni Yasmin Ibnohajil sa BDO hotline ang nangyaring pagkawala ng kalahating buwang sahod niya mula sa kanyang payroll account.

Ipinagtaka niya na P85 na lang ang natira sa kanyang account na dapat nasa mahigit P15,000 pa.

Lumalabas na sa loob lang ng minuto, naglaho na ang kapapasok lang na suweldo.

Ayon sa BDO, nagkaroon siya ng dalawang transaksiyon noong June 12, alas-9 ng umaga. 

Nasa P10,000 umano ang una niyang na-withdraw at matapos ang wala pang isang minuto, P5,700 naman.

Ayon sa log ng bangko, sa Barangay Pinyahan sa Quezon City ginawa ang magkasunod na withdrawal sa account ni Ibnohajil.

Pero, paliwanag ni Ibnohajil, nasa Laguna pa siya noong June 12 at natutulog pa nang mga oras na iyon.

Para sa kanya, mukhang ATM skimming ang nangyari, bagay na iimbestigahan pa ng BDO bago maibalik ang kanyang pera.

Pero hindi lang si Ibnohajil ang nakaranas na mawalan ng pera sa nakalipas na buwan.

Inireklamo rin ng 65 anyos na OFW mula London na si Alicia Corales ang pagkawala ng P100,000 mula sa savings account ng anak niyang OFW din mula sa Italy.

Labingwalong taon nang health care assistant sa isang malaking ospital sa London si Corales at siya ang naghuhulog ng pera sa account ng anak.

Batay sa passbook ng anak ni Ginang Corales, 10 beses nagkaroon ng withdrawal ng tig-P10,000 at nangyari ito noon lamang December 1, 2015. 

Nagtataka siya kung paanong nangyari ito samantalang P50,00 lang ang limit ng withdrawal sa ATM ng BDO.

Idinulog ni Ginang Corales sa manager ng BDO sa Batangas City ang reklamo. 

Pero ayon daw sa BDO, hindi umano fraud ang nangyari at pamilya rin ni Corales ang nag-withdraw ng pera. 

Giit pa ni Ginang Corales, ang anak lang niya sa Italy ang nakakaalam ng pin number ng ATM card at idinikta lang ito sa kanya sa cellphone nang mag-withdraw siya noong November 20, 2015.

Ipinagtataka rin niya na sa tatlong magkakaibang ATM machine pa na-withdraw ang pera.

Samantala, ilang kliyente rin ng BDO ang naglabas reklamo sa social media.

Sa isang pahayag, sinabi ng BDO na nakatanggap sila ng mga reklamo ng katulad kay Ibnohajil.

Paiimbestigahan na rin nila ang nangyari kay Ginang Corales.

Nanawagan sila sa mga nabiktima na pormal na dumulog sa BDO, para agad maimbestigahan at maibalik ang nawawalang pera.

Tiniyak din ng bangko na patuloy ang kanilang hakbang na maproteksiyunan ang kanilang mga customer at mga account ng mga ito. 

Ayon naman sa Bangko Sentral ng Pilipinas, natanggap na nila ang report tungkol sa mga reklamo.

Ikinabahala ni Senate President Koko Pimentel ang magkasunod na insidente na nakaapekto sa BDO at BPI.

Tila may nangyayari raw na kakaiba sa banking sector ng bansa na kailangang mabigyang-linaw.

Nagtakda si Senador Chiz Escudero, ang hepe ng Senate committee on banks, ng pagdinig para matutukan ang problemang kinakaharap ng mga bangko.

Ikinasa sa June 21 ang pagdinig sa Senado kung saan pinapupunta ang mga kinatawan ng BDO, BPI at pati na rin ang Bangko Sentral ng Pilipinas. –Ulat nina Dominic Almelor at Miguel Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments