‘HUSTLER’ NO MORE SA BANAWE, QC!

0
51


ANG Banawe sa Quezon City ay kilala bilang lugar na destinasyon para sa nagpapagawa at nagpapaganda ng kanilang mga kotse.

Sa rami ng auto stores sa lugar na ito, makahahanap at makabibili ng mga piyesa at car accessories para sa iba’t ibang sasakyan.

‘One stop shop’ kung tawagin na rin ito dahil ang mabibiling accessory at piyesa ay instant na maikakabit ng mga nagkalat na mekaniko.

Pero lingid sa kaalaman ng mga car owner, lalo na ang mga baguhan na bumibili at nagpapagawa, marami ring manloloko sa Banawe.

Sweet-talkers kung tawagin ang mga manlolokong ito. Sinasalubong nila ang mga darating na magpapagawa ng sasakyan para ialok ang kanilang serbisyo.

Sa pamamagitan ng kanilang magaling na pananalita, naiinganyo nila ang mga car owner na sa kanila magpagawa o magpakabit ng accessories na kanila ring inaalok.

Dahil nga ‘sweet talkers’, napapa-oo nila ang mga owner, pero sa kalaunan, magugulat na lamang ang may-ari ng sasakyan sa kanyang napakamahal na babayaran.

Ang mga ‘sweet talker’ mechanic na ito kung tawagin ng pulisya ay ‘hustlers’.

Sa mahabang panahon na sila’y pagala-gala sa Banawe, libo-libong car owner na ang naloko ng mga ‘hustler’ na ito.

At sa mahabang panahon din, walang kongkretong sagot ang pamahalaan para masupil ang ginagawang katarantaduhan ng mga ‘hustler’.

Oo nga’t nagsasagawa ng raids ang kapulisan para mahinto ang nangyayaring goyohan sa Banawe, ngunit ‘di ito naging sapat para mabura ang gawain ng mga ‘hustler’.

Noong nakaraang Mayo 23, inilunsad ng QCPD ang isang endeavor na kursunada ko lang tawagin na ‘Hustler, no more sa Banawe, QC’ program.

Ang undertaking na ito ay mula na naman sa mayaman at malikhaing pag-iisip ni QC Police Director C/Supt. Guillermo Eleazar.

Binuo ni Gen. Eleazar ang samahan ng mga galang mekaniko na kung tawagin din niya ay ‘freelance mechanic’ para sa hangaring mabura na ang kalokohan sa Banawe.

Ang pakiusap ng butihing Heneral, iwaksi na ang panloloko sa mga car owner kung nais pa nilang maipagpatuloy ang kanilang paghahanapbuhay sa lugar.

Ang mga ito ay binigyan ng ID ng QCPD bilang lisensya para makapagtrabaho sa Banawe.

Para ‘di maloko, may pakiusap din si Gen. Eleazar sa mga car owner na hingan ng ID ang gagawa ng kanilang sasakyan.

Kapag may reklamo, may contact number ang kapulisan sa mismong mechanic ID na maari nilang tawagan para isumbong ang mga manlolokong mekaniko.

‘Hustlers no more sa Banawe, QC.’

Hangad natin ang tagumpay ng programang ito ng QCPD. CHOKEPOINT/BONG PADUA

loading…



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments