HIRIT NA!: Jessie Carlos –

0
439


Ang pagbaril ba sa isang abogado at isang dating pulis sa loob ng mamahaling sasakyan at ang pag-atake at pagsunog sa casino ng ­Resorts World Manila ay magkaugnay?

Iyan ang anggulong sinisilip ngayon ng mga otoridad batay sa impormasyong nakalap ko.

Noong gabi ng Hunyo 2, binaril ng kanilang kasama sina Atty. ­Elmer Mitra, Jr. at Alvin Cruzin, da­ting pulis-Maynila, sa loob mismo ng kanilang sasakyan. Naganap ang krimen sa Paco, Maynila.

Ang suspek, ayon sa mga saksi ay medium build, mga 5’9” ang taas at nakasuot ng blue shirt at light cargo pants at sinasabing nakaupo sa likurang bahagi ng sasakyan, isang itim na BMW at may plakang XDX-993.

Ayon kay SPO4 Ronald Gallo ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), habang binabagtas ng sasakyan sa panulukan ng Perez at Belen­ Street, narinig na lang ang sunud-sunod na putok sa loob ng ­sasakyan dakong alas-9:45 ng gabi.

Nawalan ng kontrol ang BMW at bumangga sa gutter at tumaob.

Ayon sa mga saksi, gumapang palabas mula sa nakataob na sasakyan ang suspek at tuluyang tumakas patungo sa Apacible Street.

Sinasabi na si Cruzin ay nagpasundo lamang kay Mitra sa isang casino. Si Cruzin matapos na matanggal sa pagkapulis ay naging casino financier na.

Ayon naman kay Atong Ang, isang game consultant, kaki­lala ni Jessie Carlos, ang suspek sa trahedya sa Resorts World Manila, na mabait na tao at minsan nang nagkautang sa kanya dahil sa pagkalulong nito sa casino.

Sabi ni Ang, “may utang sa akin ‘yan na P3 milyon pero noong Disyembre ay nakabayad na siya sa akin matapos magbenta ng lupa sa halagang P5 milyon.” Kaya lang, aniya, ‘yung pasobra na P2 milyon imbes na ibigay sa kanyang misis ay muli itong ipinansugal ni Carlos. “Umiiyak ang misis niya sa akin kaya siya hiniwalayan,” kuwento ni Ang.

“‘Yung baril na nakita ko sa video na dala-dala ni Jessie, ‘yun ang baril na binebenta sa akin para pambayad utang. Pero sabi ko sa kanya, ‘di ako mahilig sa baril,” dugtong pa ni Ang.

Una niyang nakilala si Carlos sa sabungan at minsan nang nanalo ng P15 milyon sa isang derby sa Araneta Coliseum. “Doon na siya nagsimulang tumaya nang malakihan sa ­sabong at casino,” aniya.

“Nitong mga huling buwan, pinasok na rin ang pagpi-­finance o pagpapautang sa casino kaya humihingi siya sa akin ng payo,” kuwento ni Ang, “pero niloko rin siya. Malimit niyang banggitin sa mga tao ko ang isang nagngangalang ‘ALVIN’.”

Si Alvin kaya na malimit banggitin ni Carlos na nanloko sa kanya ng malaking halaga ng salapi ay siya ring Alvin na anim na beses binaril sa ulo noong Hunyo 2, ilang oras bago nangyari ang insidente sa Resorts World Manila?

Kung may kaugnayan ang dalawang krimen, makakatulong sa imbestigasyon sa motibo ng suspek na si Carlos sa kanyang ginawa sa casino at makakatulong na malutas ang kaso ng pamamaril sa Paco, Maynila.

Na nang gabing iyon, tila naghuramentado na si Carlos ­para makaganti sa mga rason ng kanyang patung-patong na problema dulot ng pagkalulong sa sugal.

Lord, Kayo na po ang bahala.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments