Grupo ng karinderya, sari-sari store owners, umalma sa ‘sugar tax’

0
20



Nag-rally ang grupo ng mga may-ari ng sari-sari store at karinderya para ipanawagan ang pagbasura ng panukalang nagpapataw ng dagdag-buwis sa mga inuming matatamis at may asukal, na kabilang sa isinusulong na tax reform ng administrasyong Duterte.

Ayon kay Victoria Aguinaldo ng Philippine Association of Stores and Carinderia Owners (PASCO), malaki ang epektong idudulot ng dagdag-buwis sa kanilang kabuhayan.

Kahit pa ibaba ang income tax ng mga manggagawa at paigtingin ang mga programa para sa mahihirap tulad ng “targeted cash transfer” na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), hindi anila ito sapat para maibsan ang epekto ng Sugar Sweetened Beverage (SSB) tax.

Hindi rin anila puwedeng umasa na lamang sa 4Ps ang mga maliliit na negosyanteng maaaring tamaan ng dagdag-buwis.

Bagamat ikinatuwa ng PASCO na tinanggal ang buwis para sa kape at gatas, hindi pa rin sila masaya sa SSB tax dahil ang mga inuming may halong matamis ang “blockbuster” o sobrang mabili sa kanilang tindahan.

Malaking bahagi rin anila ang mga “sweetened beverages” o matatamis na inumin gaya ng soft drinks at powdered juice sa benta ng kanilang mga miyembro na umaabot sa 30% hanggang 40% ng kanilang kita. 

Magkaiba ang bersiyon ng SSB tax ng Kamara at Senado na ibinase sa ginamit na klase ng pampatamis.

Sa bersiyon ng Kamara, P10 ang ipapataw na buwis kada litro ng inuming gumamit ng lokal na asukal at P20 sa kada litro ng mga inuming ginamitan ng ibang pampatamis.

Sa bersiyon naman ng Senado, P9 ang ipapataw na buwis sa mga inuming may high fructose corn syrup at P4.50 sa kada litro ng mga inuming gumamit ng caloric at non-caloric sweeteners.

Ayon sa mga store owners, nakipag-usap na sila sa ilang mambabatas tungkol sa SSB.

Pabor naman si Senador Risa Hontiveros sa SSB tax pero bumoto laban sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN dahil hindi ibinaba ang ibang mga buwis na nakakaapekto sa mahihirap tulad ng Value Added Tax o VAT.

Dadaan pa ang SSB at TRAIN bill sa bicameral conference committee, o mga kinatawan ng pinagsamang House at Senate.

— Ulat ni Warren de Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments