GIYERA SA DROGA TULOY-TULOY – Remate

0
20


HINDI dapat ihinto ng pamahalaan ang giyera sa droga. Lalo na sa hanay ng mga narco-politician.

Sapagkat ang mga narco-politician ay gumagamit ng kapangyarihan ng pamahalaan upang palaganapin ang salot na droga.

Kabilang sa mga kapangyarihan ng mga politiko, lalo na ang mga mayor at gobernador, ang pagkakaroon ng pribilehiyo na maging deputy ng National Police Commission at nangangahulugan ito ng kapangyarihan na kumontrol at sumubaybay sa pulisya, kasama na ang pagpili ng mga opisyal para maging pinuno ng mga police station at provincial command.

Subalit para sa mga narco-politician, ginagamit na rin ang mga pulis bilang kanilang pwersa upang protektahan ang kanilang sarili at negosyong droga.

Dito na dapat alisan ang mga narco-politician ng kapangyarihang kumontrol at sumubaybay sa pulisya at ipahahawak na sa Camp Crame o Department of Interior and Local Government.

5 MAYOR

Sa resolution No. 2017-570 na may petsang Oktubre 30, 2017, sinasabing tinanggalan na ng kapangyarihan sa pulisya ang limang mayor sa rehiyong Calabarzon.

Ang dahilan: “After continuous validation by the intelligence agencies concerned, the following local chief executives from Region 4A (Calabarzon) have been identified as engaged in illegal drug trade/activity.”

Sangkot umano sa droga ang limang mayor at bunga ito ng pag-aaral sa command conference na isinagawa nitong buwan ng Agosto.

Kinilala sa resolusyon ang mga narco-politician na sina Eulalio Alilio ng Lemery, Batangas; Antonio Halili ng Tanauan, Batangas; Loreto Amante ng San Pablo, Laguna; Raul Palino ng Teresa, Rizal; at Cecilio Hernandez ng Rodriguez, Rizal.

ILANG EPEKTO

Narito ngayon ang ilang epekto ng resolusyon na ipinatupad ng DILG at pinirmahan mismo ni Officer-in-Charge Catalino Cuy at bilang pagtalima na rin sa kautusan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi na pupwedeng magsilbing badigard ang mga pulis sa mga nabanggit na mayor at sa pamilya ng mga ito at gaya ng ginawa ng iba na ganito rin ang naging kalagayan, maaaring mag-hire na lang sila ng mga lisensyadong security guard o kaya’y mga sarili nilang kamag-anak.

Hindi na rin pupwedeng gamitin ng mga mayor ang anomang pasilidad ng pulisya, kasama na ang mga patrol car.

Pero maaaring ihinto na rin ng mga mayor na ito ang kanilang mga ayuda sa pulisya at bahala naman ang Camp Crame at DILG na magbigay ng mga ito.

IBANG EPEKTO

Heto naman ang ilang epekto ng kontrol ng mga narco-politician sa pulisya.

Wala kang makikita sa blotter ng mga pulis na sangkot ang mga narco-politician sa droga.

Kahit pa ang kanilang mga kamag-anak na sangkot din ay walang pangalan sa mga blotter pa rin ng pulisya.

Ang higit na masakit, ang mga pulis pa ang pumapatay sa mga kakumpitensya ng mga narco-politician sa pagpapalaganap ng droga sa kanilang mga teritoryo.

At mga pulis din ang ginagamit ng mga narco-politician upang patayin o alisin sa pwesto ang mga hindi sumasang-ayon na pulis.

Ang mga pulis din na control ng mga pulis ang nagti-tip ukol sa mga raid ng ibang mga pulis o Philippine Drug Enforcement Agency o National Bureau of Investigation kaya nabobokya ang mga operasyon laban sa droga.

Kung may mahuli man, mga maliliit na tulak at adik lamang o mga fall guy.

MATAGAL NANG KAUTUSAN

Kung iisipin, napakatagal nang kautusan ni Pang. Digong sa lahat ng sangkot sa droga na huminto na ang mga ito.

Matagal nang sinasabi ng Pangulo na huwag sirain ang buhay ng mga kabataan at ang bayan sa pamamagitan ng droga.

At dapat na manguna rito ang lahat ng mga kawani at opisyal ng pamahalaan mula sa barangay hanggang sa Palasyo, Hudikatura at Kongreso.

Dapat ding gawin ito ng sinomang mamamayan, mayaman man o mahirap.

Pero, ayon na rin sa resolusyon, ipinagpatuloy ng mga mayor na ito ang kanilang pagkakasangkot sa droga.

Ngayon ay tiyak na sinasabi ng mga mayor na wala silang kaugnayan sa droga.

Kung totoo ito, dapat nilang patunayan at pasinungalingan ang mga datos na nakalap ng National Police Commission at DILG ukol sa kanila.

Kung iisipin, pagbibigay ng luwag sa kanila ang suspensyon sa kanila na kumontrol at sumubaybay sa pulisya.

At pagkakataon na rin para magbago.

DURUGIN SILA

May mga tagumpay ngayon ang PDEA laban sa mga druglord.

Kasama rito ang pagkakatuklas na patuloy sa kanyang shabu business ang drug queen na si Yu Yuk Lai at ang kanyang anak na si Diana Yu.

Ang masama pa, mismo pa sa bisinidad ng Malakanyang naglagay ng bodega ng shabu ang anak ni Yu Yuk Lai samantalang ginawa nitong kaharian ang Correctional Institute for Women sa Mandaluyong.

Ang CIW ang itinuturing na pinaka-Bilibid ng mga kababaihang nagkakasala sa batas.

Isa pang masama ang pagkakatuklas na konektado ang droga ng mag-ina sa National Bilibid Prison.

Sino-sino ang mga druglord sa NBP ang konek ng mga ito? Dapat na durugin ang lahat ng mga sangkot dito.

KAHINAAN

May kahinaan nga lang yata ang PDEA.

Hanggang ngayon ay wala pa itong naipakikitang laban sa mga narco-politician.

Mayroon namang nahuling tauhan umano ng mga napatay na Odicta at isinasangkot sina Senador Franklin Drilon at Mar Roxas.

Pero panahon lang ang makapagsasabi kung totoo ang paratang ng nasabing source.

Panay naman ang tanggi ng dalawa at lalong panay rin ang tanggi ni Drilon na may kinalaman siya sa sinasabing droga ng pinsan niyang mayor ng Iloilo City na si Patrick Mabilog.

Kaya nananatiling hamon sa PDEA ang mga pagkakaroon nito ng mga narco-politician na mahuhuli at madedemanda o mapatay kung manlaban man.

oOo
Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa bantiporda@yahoo.com. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

loading…





All Credit Goes There : Source link

Comments

comments