Gawing ligtas ang mga lansangan para sa kababaihan

40


Ating kasalukuyang ginugunita ang International Week for the Elimination of Violence Against Women na nagsimula noong Nobyembre 25. Kasabay din nito ang bersyon ng Pilipinas ng 18-Day Campaign Against VAW. Ang iba’t ibang pagkilos ay importante para tuluyan nating matuldukan ang lahat ng klase nang pang-aabuso sa mga kababaihan at kabataan.

Noong lunes ay naghain ako ng panukala sa Senado na nanawagan ng “zero tolerance” o ang hindi pagkunsinti sa anumang uri ng pang-aabuso at harassment sa mga kababaihan sa mga pampublikong lugar. Kasama na rito ang paglalagay ng mga tinatawag na “safe spaces” sa lahat ng mga kababaihan sa mga paaralan, sa trabaho at lalo na sa transportasyon.

Ilang ulit na ba tayong nakarinig o mismong tayo mismo ang nakaranas na mabastos o maabuso sa mga pampublikong lugar? Nahipuan sa bus o MRT? Sinisipulan habang naglalakad sa kalye? Maging ang mga menor de edad na mga kabataang babae na pumapasok lamang sa mga eskwela ay nakakaranas ng iba’t ibang uri ng pambabastos araw-araw.

Bilang babae at higit bilang magulang, nararapat nating protektahan ang ating pamilya at komunidad sa mga ganitong klaseng harassment at pambabastos.

Akalain mo na hindi lamang pala sa kalye at sa trabaho nakakaranas ng pang-aabuso ang mga kababaihan. Kamakailan ay umugong ang balitang may mga sexual harassment sa loob ng entertainment at music industry.

Kaakibat nito, aking inihain ang panukalang batas Senate Bill No. 1326, o ang Safe Streets and Public Spaces Act of 2017 na naglalayong ipagbawal ang iba’t ibang porma ng gender-based street harassment sa mga kababaihan. Napakaraming kababaihan at kabataan na ang paulit-ulit na nabibiktima sa iba’t ibang lugar. Wala itong pinipiling oras at pagkakataon, maging sa mga gigs ng mga paborito nating banda.

Kamakailan lamang ay naakusahan ang ilang indie (independent) bands ng sexual misconduct kung saan ay pinupwersa nila diumano ang kanilang mga sarili sa mga kababaihan.

Mga kapwa kababaihan, hindi tama ito at hindi natin dapat payagan ito!

Kailangang bawiin natin ang ating mga lansangan sa mga sexual harassers at parusahan ng naayon sa batas ang sinumang mambabastos o gagawa ng anumang sexual na pang-abuso sa ating mga kababaihan.

Panahon na para tuldukan ang kultura ng pang-aabuso sa mga kababaihan.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments